Wednesday, October 07, 2009

Nakapanlulumo Pt. 2

v.

Mula sa taas ng bubong, kitang-kita ang lakas ng agos ng baha sa kalsada. Tumaas ang tubig, ‘di na kita ang tuktok ng “rollers” sa tapat ng bahay.

Kaharap ng bahay naming ang limang units ng apartment na sarado na. Dito naka-hilera ang mga “rollers.” Sa unang unit, may naka-paskil na campaign sign. Last month kasi, nagkaroon ng plebiscite ang city hall. Hahatiin ba ang baranggay namin o hinde? Nagkalat ng hand-made posters ang baranggay hall, tutol sa paghahati, siyempre. Itong poster na tinitingnan ko, ang nakasulat “Paghahati o Pagkakaisa? NO tayo!” Nakadikit ito sa saradong tindahan ng unit 1. Mataas naman ang pagkakadikit para kita ng lahat. Itong poster na’to ang ginagamit kong sukatan ng pagtaas ng tubig visually.

Sa ngayon, may 3-4 inches yata bago abutin ng tubig ang ilalim nito. Malalim nga.
Maya’t-maya, sinisilip ko ‘yung poster, gauge kung tumaas o bumaba ang tubig. Sa current trend, pataas.

Ginamit naming “tent” ang car cover ng VW. Sa loob, nakabukas ang mga payong na nagsisilbing tungkod ng fabric. Nandito ang mga bata, si nanay, sister ko, at si Ate Becca.
Kaming mga lalaki, nasa labas, nakasandal sa dingding ng second floor ng kapitbahay. Bumubugso-bugso ang ambon. Paalala namin lagi sa isa’t-isa, dun maglakad sa linya ng rivet ng yero para siguradong sa frame naka-apak.

Nanlulumong nakaupo si tatay. Ngayon ko lang siya nakitang ganito, sa buong buhay ko.
Si Cid, tahimik lang din.

Tahimik kami, pero iisa ang panalangin. Bumabalasa sa dibdib ang kaba, pasasalamat ng survival, uncertainty, at pag-asa. Pumapalo ang hangin sa likod naming walang saplot, pero wala nang mas lalamig pa sa tubig-bahang abot sa dibdib.

Nabasag ang katahimikan ng iyak at kulitan ng mga bata sa tent.

Sa sobrang bilis ng pangyayari, mahirap i-process ang lahat. Pero surprisingly, humupa ang kaba at nangibabaw ang pagka-kalmado sa loob ko. Hindi ko alam kung bakit.

Alam ko naman ang gravity ng nangyaring ito sa amin. Sa isip ko, lahat ng gamit namin, wala na, sira na. Isa itong malaking reset. Back to zero. Go back to start.

Siguro kasi nagpapasalamat ako’t walang napahamak sa amin. Siguro kasi na-saturate na ako ng takot, nabuwiset na ang subconscious ko. Siguro kasi kapag nasa babang-baba ka na, wala ka nang ibang mapupuntahan kundi sa taas.

Putangina, muni-muni ko, ‘di ako titiklop ngayon.

Nandun pa rin ang uncertainty ng sitwasyon, pero nagsisimulang humina ang ulan. Good ‘yun.
Sinilip ko ang sign sa ibaba, nakasawsaw na sa tubig ang ilalim. Bad ‘yun.

Sinilip ko ulit ang bakuran namin, kung saan kami umakyat, at yuping bubong ng VW at bali-baling kahoy ng roofrack na lang ang nakita ko. Salamat, Kikai.


vi.

“Kuya, okay lang kayo?”

Napalingon ako bigla. Sa kabilang dulo ng bubong, nakatayo si Cid. ‘Yung kapitbahay namin nakatayo sa side nila.

“Okay lang kami, pero may mga bata kami rito e…”

Si Cid at si tatay na ang nakipag-usap. ‘Yung kapitbahay na katabi namin, isang babae, at dalawang lalaki, in-offer na dun muna kami sa kanila. Nasa bubong na rin ang kapitbahay namin sa likod, handa ring tumulong.

Pina-ayos ang gamit ng mga bata, naghanap ng paraan para makatawid. Ang problema kasi, mula sa bubong naming, walang paraan na makalipat sa kabila. Walang mahabang kahoy na puwedeng gawing tulay, walang taling puwede isabit. Ang daan lang, sa kapitbahay namin sa likod. Naglabas sila ng makapal na plywood na puwedeng gaimiting tulay. Pinatong ang isang dulo nito sa bubong namin, at ‘yung kabila, sa pader. Naka-ankla ang kabilang dulo sa puno nila.
Ang bad trip lang, sa bahaging ito ng bubong naming, bagong palit ang yero. ‘Yung lumang yero sa bubong, makunat at matigas. Itong bago, lamang lang yata ng konti sa kapal ng aluminum foil.

Si Cid at ang mga lalaki sa likod ang nag-ayos ng tabling gagamiting tulay. Inuna naming ilipat ang mga bag ng gamit ng mga bata. Sumunod si Ate Becca. Para hindi mahirap tumawid at para ‘di malula, napag-desisyunang mag-slide na lang sa table. Sa dulo namin, kami ni Cid ang aalalay sa mga tatawid, mga good Samaritan naman sa kabila. Pagtawid, may silong sa ilalim ng bubong ng second floor ng kabila. ‘Yung mga kapitbahay namin sa tabi, naglabas naman ng kawayang hagdan para makalipat sa kanila. Napapaligiran kasi ang bakuran nila ng mataas na bakal na grill na may mga talim sa dulo.

Pinilit kong libangin ang mga pamangkin ko nang isa-isa ko silang ihatid sa tawiran para ‘di sila matakot. Bawat tapak, umiingit-ingit ang yero ng bubong, lalo na sa parteng pinalitan ng manipis na bagong yero na para kang umaapak sa plastic cup. Nagsisimula na ring umambon ulit kaya madulas-dulas na ang bubong. Pa-slant pa man din ang pinagpapatungan ng tabla. Kapag sobrang likot, puwedeng dumulas ‘yung table, at dire-diretso kang mahuhulog sa baha sa ibaba. Oks lang sana kung tubig talaga ang babagsakan mo, kaso paano kung may mesa o kahoy o matigas na plastic sa ilalim ng tubig?

Mabuti na lang, maraming umaalalay. Naitawid naming nang maayos ‘yung mga bata, ang sister ko, si nanay, at si tatay.

Nagpaiwan na kami ni Cid sa bubong namin. Kailangan ng bantay sa bahay. Sa panahon ng trahedya, lumalabas din ang tunay na kulay ng tao. May mga mabubuting loob tulad ng mga kapitbahay namin. At may mga walanghiyang puwedeng magsamantala sa mga bahay na inevacuate-an ng mga naninirahan.

Dumidilim na nun. Hindi ko alam kung anong oras. Hindi ko alam kung may kinalaman ang bagyo sa pagdilim. Sumilip ulit ako sa ibaba, sa sign na nakadikit sa apartment sa tapat. 1/8 na ang nakalubog. Tumataas pa rin ang tubig.

Pumasok na kami ni Cid sa tent. Lumalakas ang hangin, bumabagsak ulit ang ulan. Nilagay namin ang mga inakyat na timba na may lamang damit, maliit na mesa, at mga supot ng supplies sa gilid ng tent para ipitin ang fabric. Tumutulo ang tubig sa car cover habang umaangat-baba ito sa bawat hampas ng hangin. Nakahiga kami sa magkabilang dulo ng tent, nakabalandra ang mga binti at braso sa fabric para hindi matangay ang car cover. Basang trapal ang namamagitan sa pagod naming likod at malamig na yero. Gumagapang na rin ang tubig ulan sa trapal.

“’Di tayo puwedeng ganito,” sabi ko. “Bukas lalagnatin tayo. Sumunod na tayo sa kabila.”
Lumabas kami ulit. Gabi na yata. O late ng hapon. Pumapatak ulit ang ulan, humahampas ang hangin. Dahan-dahan kaming naglakad ulit papunta sa harap ng bahay para silipin ang tubig. Ang sign na tinitingnan ko, kalahati na lang. Lampas-tao na ang tubig sa kalsada, at mas malakas na lalo ang agos. Ang weird na napansin ko, nakasindi lahat ng ilaw sa poste. At least ‘di ganun kadilim sa tapat ng bahay.

Nakabukas na ang isang gate namin, hinila siguro ng agos. Naka-lock pa man din ‘yun kanina. Nakabuka ito nang sobra pa sa angle na kaya ng bisagra. Ganun kalakas ang agos.
Buti na lang nandun pa rin ang tablang tulay. Ang problema, wala nang ibang taong aalalay. Naunang tumawid si Cid. Isa-isa kong kinuha ‘yung iba pang gamit naming na kayang dalhin – ilang mga cellphones, laptop naming ni tatay, mga extra cookies para sa mga bata. Inilabas ko ‘yung mesa sa loob ng tent at ipinatong ito sa ibabaw. Sana ‘wag tangayin ang car cover. Nang maiabot na kay Cid ang mga gamit, kailangan ko nang tumawid. Mahirap ito. Mas madulas na ngayon ang yero.

Naupo na ako sa tabla at nagpadausdos. Dumaan kami sa sanga ng puno papunta sa yero ng first floor ng kapitbahay sa likod. May isa pang problema. Nakuwento ko kanina ‘yung bakal na grill na may mga talim. Anti-akyat bahay. Kanina, nakadaan ‘yung mga kasama ko rito kasi naglagay ang kapitbahay namin ng kawayang hagdan. Ngayon, kaming dalawa na lang ni Cid. Mas madilim na ngayon at wala nang tao.

“Ganito,” sabi ko. “Kakapit ako sa bakal, ok? Tapos, umakyat ka sa braso ko, sa balikat ko.”

Medyo marupok ang yero ng kapitbahay. Naghanap ako ng stable na aapakan. Kumapit ako nang ubod ng higpit sa bakal na grill. Umakyat na si Cid. Natatakot nga ako nun, basa kami pareho ng ulan. Paano kung madulas siya? Problema pa kung ma-impale siya. Tumingkayad ako lalo habang binabalanse ang mga paa ko sa marupok na yero. Naka-akyat naman si Cid. Sumabit sa matatalim na bakal sa ibabaw ng grill ang shorts niya kaya napunit. Paglipat niya sa kabila, tsaka siya tumawag ng tao.

Habang naghihintay, tiningnan ko ang garahe namin. Nakabukas ang gate at nakalinyang lumulutang ang tatlong washing machine. ‘Wag sana.

Umakyat ‘yung dalawang lalaking kapitbahay naming, magkapatid. Dala nila ‘yung kawayang hagdan. Sinet-up naming nang maayos. Naghanap ako ng stable na bahagi ng yero tsaka ako umakyat.

Dala-dala ang mga gamit naming, bumaba kami ulit ng bubong at lumusong sa baha. Abot bewang ang tubig sa kapitbahay. Pumasok kami sa bahay nila, may paalala raw na mag-ingat sa paglakad. Nabasag daw kasi ‘yung salamin ng dining table nila nang biglang lumutang dahil sa tubig. Ang bad trip dito, wala na kaming tsinelas. Bukod sa nawala na’t inanod ng tubig ang tsinelas ko pagbukas ko ng pinto kanina nung nagkakagulo kami sa bahay, mas naging komportable sa akin ang mag-paa. Mas nakakabuwelo sa madulas na sahig kasi. Ang risk nga lang, sa madilim na tubig, para kang naglalaro ng minesweeper.

Umakyat kami sa hagdan at nakarating sa second floor. Bawat apak namin, may kasamang pasasalamat. Patay ang kuryente kaya nakasindi ang mga kandila. Nasa isang kuwarto ang pamilya namin. Nakahinga na ako nang maluwag. Safe na kami.


vii.

Siguro, mga 5-6 years na kaming nakatira sa Marikina. Sa mga taong ‘yun, ‘di kami binaha. ‘Di rin kami masyadong nakikihalubilo sa mga kapitbahay. Hindi dahil sa snobbishness kundi dahil wala lang opportunity. Kung kabataan ko pa siguro, makikipaghabulan din ako sa kalye tulad ng dati.

Tapos ngayon, itong mga kapitbahay naming ‘di pa naming kilala ang pangalan, sila pa ang nagligtas sa amin sa bubong. “’Di mapapantayan ng pera itong ginawa nila,” sabi ni tatay, kinabukasan nang makabalik na kami sa bahay naming. “’Di nila tayo kilala, kung tutuusin, wala silang pakialam sa atin, pero sila pa lumapit sa atin para iligtas tayo.”

Sa ngayon, pag-akyat namin sa hagdan, tuloy-tuloy pa rin ang pasasalamat namin sa nagligtas sa amin. Inabutan ako ng shorts at t-shirt, itinuro sa akin ang daan papunta sa banyo para makapag-ayos at bihis.

Nang ok na kami ni Cid, nandun ulit kami sa kuwarto. Tatlong pamilya ang nakatira sa bahay na’to. May matandang mag-asawa, dalawang anak na lalaki, mga misis ng anak, at ‘yung mga apo nila, anim na batang babae. Nandito kami sa kuwarto ng mga batang babae. Nakaupo kami sa sahig at nagpapahinga. Maingay na naglalaro ang mga bata. Sumisilip kami sa bintana para silipin ang tubig. Tumigil na sa pagtaas, pero hindi pa rin humuhupa.

“Narinig naming umiiyak ‘yung mga bata.” Sabi ng isang misis. Natakot sila kaya umakyat sila para i-check kung ano meron, at nakita nga kami.
“Binuksan daw ang dam” sabi ng isa.

Tsaka kinuwento ni tatay kung gaano kabilis umakyat ang tubig. Nagulat din daw ang kapitbahay naming kasi sa loob ng higit na 30 taon na nakatira sa lugar na’to, hindi nangyaring pumasok ang tubig baha sa bahay nila kahit kailan.

Nung sinilip ko ‘yung plastic na pinaglagyan ng laptop naming ni tatay, nagulat ako kasi pinasok pa rin ito ng tubig. Basa pareho pero wala akong basahang tuyong puwedeng ipamunas. Inilabas ko muna, pinatulo ang tubig, binaligtad, tsaka ko pinasok ulit. Kinuha ko ang cellphone ko at napansing mababa na sobra ang battery. Hiniram ko ang cellphone ni Cid at nagpalit kami ng SIM. Tsaka pumasok ang text messages sa telepono ko.

Ang problema, naka-save sa cellphone ko ang phonebook, hindi sa SIM. Numero lang ang nakalistang nagpapadala ng messages. May ilang nakilala ko rin, pero madalas reply lang ako nang reply. ‘Di ko lang din alam kung natatanggap nila ang messages ko. Bagsak daw kasi ang signal ng Globe.

Pilit kong tinatawagan si Cci. Nalaman ko kaninang nasa 2nd floor na siya ng bahay, at least safe siya. Pero ano kalagayan niya ngayon? Can not be reached. Can not be reached. Not accessible at the moment. Emergency calls only. Hindi ako mapakali sa kaka-isip.
Medyo nanlalata na rin ako, nanlalambot sa pagod. Naririnig sa labas ang ugong ng ulan at napapapikit na lang ako at nagdadasal. Pilit ding nakikipag-text si nanay sa mga kamag-anak namin. Tahimik na nagpapahinga si Cid sa isang tabi. Hinahabol ni Ate Becca at ni Vane ang mga pamangkin kong nakikipagkulitan. Nakaupo si tatay at nag-aalala sa pusa namin.

Gusto kong matulog tapos paggising bangungot lang pala ang lahat.

Minsan puwede ka palang bangungutin kahit gising ka.

Umuulan ulit sa labas.


viii.

Pumasok sa kuwarto ang kapitbahay naming lalaki at inabutan kami ng maiinit na tsokolate. Inanyayahan din kaming mag-hapunan pero nahihiya na kami talaga. Naiwan na kami ni tatay sa kuwarto. Mas importanteng makakain ang mga bata. Inabot ko ang isang plastic ng biscuit na binigay rin sa amin. Medyo kumakalam ang sikmura ko, pero wala akong ganang kumain. Solb na ako sa isang pack.

Nang makabalik na sila pagkatapos ng hapunan, sinabihan kami ng isang kapitbahay naming nakabukas daw pala ‘yung gate namin. Sabi ni tatay, malamang daw, natulak o nahila ng malakas na agos. Sabi naman ng kapitbahay, bumaba raw sila kanina para subukang isara, pero mukhang na-stuck yata at ayaw gumalaw. Ang consensus, baka puwersa ng agos kaya ‘di magalaw.

Sumisilip-silip ako sa bintana para i-monitor ang tubig. Unti-unti na’tong bumababa. Buo na ulit ‘yung sign sa labas. Kita na ulit ‘yung tuktok ng “rollers.” May mga taong naglalakad-lakad na sa labas at naghahakot ng mga bagay na inanod. Sabi ng kapitbahay may mga lalaking dumaan daw na sumisilip-silip, at lumalapit-lapit sa nakabukas na gate namin. Buti raw at lumayo nang baswitan nila.

Pumasok ang misis na tumawag sa amin kanina sa bubong. Papalitan niya ang bedsheet at pillowcase ng unan. Tumanggi na si tatay, nakakahiya na raw talaga, ‘di bale na. Tama nang naabala namin sila. Pero okay lang daw. Tumulong si Ate Becca at si Vane sa pag-aayos ng bedsheet. Matutulog na ang mga bata.

Nakasilip na ako sa bintana hindi para bantayan ang baha, kundi para bantayan ang gate namin. Konti lang ang nakikita ko, gilid lang ng gate, pero kitang-kita kung may siraulong lumalapit. Hanggang bewang na ang tubig sa kalsada.

Maya-maya, may inanod mula sa loob ng garahe namin. Isang case ng bote ng beer na walang laman. Mabilis itong tinulak ng tubig papunta sa gitna ng kalsada kung saan may mokong na bukas ang mga kamay na naghihintay.

“Case ng beer!” masayang sigaw nito. Palakpakan ang mga miron.

Bumaba na si tatay at si Cid. Sumunod din ako. Hinubad ko ang t-shirt na pinahiram sa akin, at sinuot ko ulit ang basa kong pantalon. Kung umulan ulit, ayokong nakasuot ng basang t-shirt. Lumusong ulit ako sa tubig. Para akong nasa miserableng swimming pool.
Humabol ako sa labas. Nandun na sina tatay sa gate namin. Tumulong akong magtulak, pero ayaw gumalaw ng nakabukas na gate. Naka-ipit sa ilalim, may pumipigil. Sa loob ng garahe, nandun pa rin ang mga washing machine.

Sa labas, maraming taong may mga bitbit na inanod na kung ano-ano. Madalas, mga bagong gulong galing sa tire shop sa kanto.

“Kamusta kaya ‘yung Chevy?” naisip ni tatay.

“Sana hindi inabot. Mataas naman dun sa supermarket.” Sagot ko.

Nakatayo kami sa harap ng nakabukas na gate, hinaharangan ang mga nagsisilutangang Kurecolor na pens ni tatay na gusting makisama sa agos. Medyo mabilis nang humuhupa ang baha.
Sumunod sa amin ang isa sa mga taga-pagligtas namin. Taos-pusong pasasalamat ang salubong ni tatay. Sa pakikipag-kuwentuhan, nalaman naming nanggaling din pala siya sa Dubai, nakatira malapit sa tinitirhan ni tatay dun.

Nalaman din naming may pulang kotseng inanod din kanina at bumangga sa gate nila. Malakas ang agos ng tubig nun, at natulak ulit ang kotse papunta sa dulo.
“Naku, sana hindi inanod ‘yung Chevy…” kabado si tatay.

Biglang may matandang babaeng nagtanong sa amin kung may nakita kaming kotseng inanod. Tinuro naming kung saang direksyon pumunta. May kasama ang mga babaeng nagmamagandang-loob at tumutulong sa paghahanap. Nasagap namin sa kuwento nilang marami pang mga kotse ang inanod at nakabalandra ngayon sa tabi-tabi. May pulang Honda raw na naka-tagilid sa kabila.
Bumaba ang tubig hanggang tuhod. Ayaw pa ring gumalaw ng gate. Kinapa namin sa ilalim ng tubig kung ano ‘yung humaharang. Naka-stuck pala ang gate sa gutter ng canal. Kailangang pukpukin ang semento para makawala.

Nagpaalam na ang kapitbahay namin, tinanong kung dun kami matutulog sa kanila para iwan niyang nakabukas ang gate nila. Hindi na muna, sabi ni tatay. Kailangan naming bantayan ang garahe.

Hinatid siya ng aming pasasalamat.

Hindi mapapantayan ng pera ang kabutihang ipinakita ng pamilya nila sa oras ng pangangailangan namin sabi ni tatay.

“Pay it forward.” Sabi ko.


ix.

Ang problema sa baha, kapag humuhupa, o siguro sa bahang ito kasi maraming kotseng inanod at nalubog, ay langis.

Hanggang tuhod na lang ang tubig, at sa medyo mabagal nang agos ng baha, may mga itim na streaks na lumulutang-lutang. Sa ilalim ng ilaw ng poste, nagkakaroon ng bilog-bilog na rainbow sa tubig.

Nanlilimahid ako ngayon, nanlalagkit sa maputik at magrasang tubig baha. Kumikirot ulit sa ilalim ng maong ang sugat ko sa tuhod. Nang tuluyan nang humupa ang tubig, naiwan ang madulas at magrasang putik. Wala kaming tsinelas.

Pinagpapalo ko ng pala ang gilid ng estero kung saan naka-stuck ang gatenamin. Ang na-achieve ko lang ay mag-ingay.

Sinindi ni Cid ang flashlight para tingnan ang damage sa garahe habang tinayo ko ang bumaligtad naming mesang plastic para pagpatungan ng mga kalat sa sahig. Nawawala ang iba naming plastic na upuan. Tinapat ni Cid ang flashlight sa VW. Mukha itong bagong hukay na fossil ng isang bilugang dinosaur.

Inilapit naming ang ilaw sa bintana para silipin ang loob ng bahay. Tinawag ni Cid si Spree, ang nawawalang pusa, pero malaking daga ang nagparamdam mula sa loob.

Nagkalat sa paligid ang lata-lata ng pintura ni tatay mula sa shelf niyang nakahiga sa putikan. Kumalat ang turpentine at thinner, humalo sa putik, at amoy gaas ang buong garahe.
Gusto kong maghugas ng kamay. Gusto kong magbanlaw ng paa. Gusto kong maglinis ng sugat. Pero ang daan papunta sa gripo, sabog-sabog ang kalat. Mahirap nang matibo. Mahirap nang madulas at matibo.

Humahabol na ang pagod at antok. Itinayo namin ang isang bakal na mesang matagal nang wala ang glass top. Pinalibot namin ang nakuha naming mga plastic na upuan at pinilit naming matulog nang nakaupo’t nakayuko sa gilid nito. Mahirap.

Malalim na ang gabi, wala nang ulan, wala nang ambon. Ang meron lang, lamig. Nagsimula na akong manginig. Naawa si tatay, hinubad niya ang t-shirt niya at pinasuot sa akin.
Kinuha namin sa putikang sahig ang plywood na pinangharang namin kanina sa entrance ng sala. Inilapag ito sa garahe, at salit-salit kaming humiga rito.

Nanginginig akong humiga. Humihinga ako sa loob ng t-shirt para lang mainitan nang konti at ‘di maamoy ang sahig na kasingbango ng gaas. Miserable ako sa pantalon kong basa sa baha. Maruming plywood lang ang pagitan ng bugbog kong likod at ng malamig at madikit na burak. Wala nang lakas sa mga binti ko’t brasong nakasalampak.

Sa labas ng garahe, sa may gate, mapayapang sumisilip ang mga bituin sa likod ng mga ulap. Parang walang nangyari. Gusto kong matawa pero ‘di malabanan ang agos ng antok.

Pumikit na ako at nagpa-anod.

Sunday, October 04, 2009

Nakapanlulumo Pt. 1



I.

Nagising ako nang tumunog ang cellphone ko. Nasa kabilang linya ang PA, nasa tapat daw siya ng gate dala ang CD ng project sa opisina.

Late na ako nakauwi nung Friday. At ngayong umaga, kailangang ma-view ko ang file sa CD kasi may telecon kami ng mga ka-opisina ko mamayang tanghali. Crucial. Dapat nga, magkikita pa yata sa Makati, kaso pagod na kaming lahat sa project na’to. Kaya eto, dineliver ang CD.

Umaambon paglabas ko. May bagyo raw. Napagkuwentuhan kagabi na ‘yung ibang shoot sa office, na-move ang sked dahil sa bagyo. Panahon ngayon ng bagyo. Oks lang.
Mataas naman kasi itong lugar namin sa Marikina. Mula nang lumipat kami rito, ‘di kami binaha. ‘Yung main road sa dalawang gate ng village, lumulubog hanggang sakong, minsan hanggang tuhod, pero ang kalsada namin, wala. 2-3 months ago, nagbaha sa labas. Umapaw ang estero, pumantay sa kalsada. Pero gumapang lang hanggang sa bukana ng gate namin ang tubig. Kahit kalian, ‘di kami namroblema sa baha.

Sa bukana nga ng kalsada namin, naghuhukay ang City Engineering. Pinapalitan ‘yung sewer system kaya may naka-balandra sa tapat ng bahay naming malalaking sementong tubo. ‘Di ko alam tawag dun, kung i-de-describe ko siya, o ikukumpara sa ibang bagay, ang unang papasok sa utak ko, rollers. Pero gray na semento, hindi pink na plastic. Nung bata pa kasi ako, rollers ng nanay ko ginagamit kong props kapag naglalaro ako ng matchbox na kotse tapos kunwari may construction area ako.
‘Di ko alam kung itong paghuhukay na’to, reaction dun sa huling baha sa labas namin. Definitely daw, ‘di na magbabaha sa main road.

Kailangang umalis ni Son, kapatid ko. Hinatid siya sa sakayan ng parents ko, dala nila ‘yung Chevy. Dapat ako ang maghhatid nun, kaso sabi ko naghihintay ako ng telecom. Nakabukas sa dining table ‘yung laptop ko habang nag-a-almusal kami, pinag-aaralan ko ‘yung file ng project.

Walang tigil ang ulan sa pagtapik sa bubungan namin. Inaantok pa ako. Isang linggong pagsisipag sa trabaho, sarap bawiin ang tulog sa weekend morning na maulan.

Umalis na ang parents ko. Sinarado ko na ang laptop.
Nakipagpalitan ng text sa officemates. Wala pa silang kopya ng CD nila.

Pinatay ko ang oras sa internet.



II.

Nakatayo ako sa labas ng bahay, nakasilip sa kalsada. Umapaw ulit ang mga estero’t pumantay sa aspalto. Sa bubungan ng bahay, parang static sa radio ang tunog ng mabibilis na pagtapik ng ulan. Wala pang text kung ano oras magsisimula ang telecon. Wala pa rin ang mga magulang ko. Gumagapang na ang tubig sa tapat ng gate namin.

Hindi na kita ang kalsada sa labas. Nagsimula nang umuwi ang mga batang naglalaro kanina sa ibabaw ng mga konkretong “rollers” sa tapat ng bahay namin. Sa mga taong nagmamadaling umuwi, napansin kong hanggang binti na ang tubig sa labas. Nakakuha ng text ang utol kong si Cid. Pinarada na raw ng parents ko ‘yung kotse sa grocery malapit sa amin. Mas mataas kasing lugar ‘yun, tsaka lubog na raw ang main road namin. Baka magloko ‘yung kotse ‘pag sinulong sa baha. Maya-maya, nakita na namin sila - sumusulong sa bahang aabot na sa tuhod. Gumapang na rin ang tubig sa loob ng gate, pero mababa pa rin naman.

Pagpasok nila sa garahe, agad hinubad ng tatay ko ang sapatos at medyas, pati t-shirt na nabasa ng ulan. Pinatong niya ito sa isang plastic na upuan sa garahe. Tumayo siya ulit para tingnan ang kalsada. Pumasok si nanay sa loob ng bahay na puno ng ingay ng mga pamangkin kong nanonood ng Spongebob. Gumapang na ang tubig sa loob ng garahe. Pantay na ng tsinelas ko.

Natawa pa kami. Ngayon lang nangyari ito. Maya-mayang konti, tumaas ulit ang tubig. Lampas na sa tsinelas ko. Baha na sa garahe, pero mababaw lang. ‘Di pa naman aabot sa loob ng bahay. Medyo humina ang ulan. Huhupa na siguro, naisip ko.

Pagpasok ko sa loob, may text na. Magsisimula na ang telecon. Nag-dial na ako, trabaho na.
Binuksan ko ang laptop, binuksan ang file, naghanda ng comments na ibabato. Pinapasok ko ‘yung mga pamangkin ko sa kuwarto nila para dun ituloy ang cartoons.

Sa labas, nagsisimula na ang pagmumura. Tumataas na ang tubig. Nagkaroon ng gulo.
Tumayo ako, bitbit ang landline. Binaba ko ang laptop sa mesa. Sinilip ko ang pintuan sa sala. Nabunot ang telepono. Nakita kong gumagapang na ang tubig mula sa lunod nang garahe. Binaba ko ang telepono sa mesa, tumakbo ako para kumuha ng basahan pero nadulas ako sa sahig. Naramdaman kong kumirot ang kanang tuhod ko. Nahirapan akong tumayo. Malamig ang sahig, basa. Umabot na sa akin ang tubig. Umupo ako agad, nakita kong nalapnos ang balat ko sa tuhod. Kinuha ko agad ang cellphone ko, nag-text sa mga kasama. Sinisimulan nang iangat ng tatay at ng utol ko ‘yung mga kahon-kahong libro at CD sa unahan ng sala.

Nangongolekta kasi si tatay ng mga libro. Art books, trade books, pocket books. Mga malalaki’t mamahaling libro ng mga sikat na artists, mga anthology ng literature, mga libro ng poetry. Lahat ito, nasa kahong patong-patong kasama ng CD at DVD collection niya – mga collection na reference at inspiration ng creativity.

Nagsimula na rin akong magbuhat. Nilagay naming lahat ‘yun sa medyo mataas na hallway naming papunta sa mga kuwarto. Napansin ko agad na papalapit na ‘yung tubig sa extension cord ng PC. Binunot ko agad ang plug.

Dito na nagsimulang maging magulo. Pilit naming tinataas ‘yung ibang gamit kahit saan. May mga painting ang tatay ko na tinakbo ko sa kuwarto, mga libro’t mga kahong pinatong sa sofa.

Sa labas, nagharang si Cid ng malaking plywood sa pinto ng sala para makontrol ang pasok ng tubig. Hanggang sakong na ang tubig sa sala, hanggang tuhod na sa labas. Kinuha ko ang laptop ko, tinakbo ko sa kuwarto ng parents, pinatong sa tokador ni nanay.

Hindi pa rin tumitigil ang ulan.

Sa garahe, nagsisi-lutangan na ang mga lata ng pintura ng tatay ko mula sa shelf. Lumabas na ako para subukang mag-angat ng gamit sa garahe. Naka-shorts na lang ako nun. Mahirap nang tumagal nang may basang kamiseta sa ilalim ng ulan. Patuloy ang pagtaas ng tubig. Sa loob, narinig ko ang mga sigaw ng mga tao- “’Yung kuryente! Patayin ang Kuryente!” “Itaas ito dun! Bilis!” Hanggang hita na ang tubig sa garahe.

Nagharang na rin sila ng plywood sa pinto sa kusina. Mas mababa nang konti ang baha sa loob. Nakita ko ‘yung plywood sa pinto sa sala, bumibigay na sa pressure ng tubig. Tinawag ko agad si Cid. Pinasarado ko ‘yung mabigat na sliding door. Kala ko okay na ‘yun.

Hindi pa rin tumitigil ang ulan. Ilang minuto pa lang ang nakalipas mula nung madulas ako at malapnos ang tuhod ko. Ilang minuto pa lang ang nakalipas mula nang gumapang ang tubig sa sala hanggang sa umabot na ito sa hita.

At hindi pa rin tumitigil ang ulan.

Inangat ko ang mga washing machine na nagsimula nang maglutangan sa garahe, tapos pinatong ko sa bakal na mesa sa tabi. Alam kong pinapasok na ng tubig ‘yung nakaparada kong VW, pero ayoko nang isipin ‘yun. Tumataas pa rin ang tubig. Pumasok na ako sa loob ng bahay.

Umabot na ang baha sa hallway. Basa na ang mga kahong pinatong namin dun. Sa labas ng bintana, kitang lalong tumaas ang tubig. Dito bumalot ang takot sa akin, mas malamig pa sa basang t-shirt sa ilalim ng bagyo. Patay na, naisip ko. Wala na.

Tumakbo ako papunta sa pinto ng kusina. Nakita kong bibigay na ang plywood na harang.

At sa puntong ito, parang slow motion lahat. Lahat ng detalyeng hindi ko makakalimutan, lahat ng sandaling babalik-balikan ako sa kalaliman ng mga bangungot ko.

B ago ko masara ang pinto, biglang nabiyak ang plywood.

Bumuhos ang malakas na agos ng malamig at madilim na tubig baha dala ang plywood, ang bangko, at mga timba’t batya sa labas.

Sa loob ng ilang segundo, mula hita, umabot sa baywang ang tubig. Pinilit kong itulak ang pinto para maisara, pero madulas ang sahig, wala akong buwelo. Tumulong na si Cid sa pagsara, at dumilim na sa loob ng bahay.

Naririnig ko na ngayon ‘yung mga sigaw ng mga tao. Hanggang bewang ang tubig sa sala at kusina, hanggang hita naman sa mga kuwarto. Bungalow ang bahay namin, walang second floor. Nagsisimula nang pumasok ang tubig sa mga bintana.

Lumutang bigla ang mesitang patungan ng rice cooker at gamit pang-kusina. Lumutang din ang mga tangke ng LPG. Inangat namin ito ni Cid, pinatong sa counter ng kusina. Lumutang na rin ang ilang plastic na estante at nagkalat ng gamit sa baha.

Lumabas ng kuwarto si Ate Becca, maid namin, may dalang bag na puno ng gamit at damit ng pamangkin kong magtu-2 years old pa lang. Kailangan na raw naming umakyat sa bubong.

Muli, nanlamig ako sa takot. Trapped kami sa loob ng bahay. Hindi tumitigil ang ulan. Hindi humuhupa ang tubig. Pumapasok na ang baha sa bintana.

At ayaw gumana ng seradura ng pinto.



III.

Lumang seradura ang pinto sa kusina. Hindi ito ‘yung modern na doorknob. Hindi ko alam tawag dito, pero ito ‘yung bronze na bakal na bloke sa loob, tapos may pihitang oblong ang hugis. Sa labas, saksakan lang ng susi.

Kahit anong gawin ko, ayaw umikot ng pihitan. Tinaas-baba ko ang lock, pero ayaw pa rin. Na-realize ko na siguro, ‘yung pressure ng tubig sa labas na nagtutulak sa pinto – ito ‘yung dahilan kung bakit ayaw gumana ng lock, kung bakit ayaw pumihit. Naiipit kasi ‘yung “ngipin” sa butas.

Napansin ko bigla, exposed ang tornilyo ng seradura. Suwerte na lang na lumutang at kumalat ang toolbox sa tabi ko. Kumuha ako ng dalawang screwdriver, parehong “flat.”

Ang butas ng tornilyo, ekis. Putangina.

‘Di ko makita ang screwdriver na ekis.

May tatlong bata sa bahay, mga pamangkin ko. Ang eldest, 8-9 years na yata, ang youngest, magtu-2 years old pa lang.

Nandito ako, si Cid, at si Vane, sister ko. Si tatay, si nanay, at si Ate Becca.

Pina-ayos na ang mga gamit ng mga bata. Pinapabukas na ang pinto.

‘Yung sliding door sa sala, mabigat at ‘di mabuksan lalo na’t walang puwersa ang paa sa madulas na sahig.

Lahat ng bintana, may grill.

Ang exit, eto, sa harap ko.

Ang namamagitan lang ay ekis na tornilyo at ang hawak ko, flat na distilyador.

Putangina. Putangina. Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Pilit kong sinaksak ang distilyador sa tornilyo. Ayaw kumagat. Laging dumudulas.

Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Parang komedi.

Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Nandun pa rin ang takot. Nanginginig ang tuhod ko sa lamig at takot. Nawawalan na ako ng lakas sa sobrang kaba.

Pero

Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Nagalit ako.

‘Yung ulan. ‘Yung baha. ‘Yung lintik na project na ‘di matapos-tapos.

PUTANGINA!

Nakita ko ‘yung ngipin ng lock na nakasaksak sa butas. Malakas ang pressure ng tubig sa labas tinutulak ang pinto papasok. Dahil sa pressure, ‘di mapihit ang lock, ‘di magalaw ang ngipin.

Sinaksak ko ‘yung ngipin ng distilyador. Flat ang distilyador kaya swak sa awang ng lock. Sinaksak ko sa ngipin, sabay tulak. Bumigay. Kaya nang pihitin ang lock.

Sinigaw kong bubuksan ko na ang pinto, at maghanda na lahat. Pagbukas ko ng pinto, tinulak kami ng rumaragasang baha.

IV.

Nanlumo ako paglabas. Lampas tiyan na ang tubig. Aabot na sa dibdib. Lubog ang VW hanggang hood. Kailangan naming umakyat sa bubong. Walang ibang choice.

Umakyat ako sa bubong ng VW. Nagpa-abot ako ng mesita at binalanse sa roofrack. Nabiyak ang kahoy sa roofrack. Binalanse ko na sa bubong mismo.

Unang umakyat si Ate Becca. Sinunod namin ang mga gamit ng bata at mga payong. Sinunod namin ang sister ko, ‘yung youngest pamangkin, si nanay, mga damit at gamit, laptop namin ni tatay, cellphones, si tatay, ako, at huli si Cid.

Bawat apak, lumulubog at nayuyupi ang bubong ng VW. Nagso-sorry ako sa VW.
At nagpapasalamat.

Abot dibdib na nun ang tubig.

Ginamit naming tent ang car cover ng VW. Nasa loob ng tent ang mga bata at mga babae. Kami ni Cid at ni tatay, sa labas. Napunit ang shorts ko pag-akyat. Duna ko nagpalit ng pantalon sa taas.

Bumalik ulit ang takot.

Kung itong lugar naming mataas na, at ‘di dapat binabaha e abot-tao na ang tubig, paano pa kaya sa lugar ni Cci?

Dapat ngayon may lakad kami. Dapat magkasama kami. Manonood kami ng sine dapat. O tatambay sa mall. ‘Di dapat bumaha nang ganito.

Nanlulumo ako sa kaba at takot. Nanlulumo ako dahil wala akong magawa.

Pumasok ako sa tent, hinanap ang phone ko. Malapit nang ma-lowbatt. At naiwan ang charger sa bag ko.

At ang bag ko, nasa sahig ng kuwarto ko.

Putangina.

Mahirap tumawag. Nag-text ako, ewan kung nakarating. Sinubukan ko tawagan ang landline nila, kapatid niya ang nakasagot. Nasa second floor na raw si Cci. Pumasok din ang baha sa sala nila. Tinanong ko sa kanya ang rescue number sa Marikina, at nagpasalamat.

‘Di rin gumagana ang rescue number.

Sa labas, tahimik lang si tatay. Si Cid, nakasilip sa ibaba. Mataas na ang tubig. Lampas-tao na sa kalsada. Hindi na kita ang malalaking konkretong “rollers” sa tapat ng bahay namin.
Tuktok na lang ng gate ang kita.

Kumirot ulit ang tuhod ko. Bawat galaw ng binti ko, gumagasgas ang pantalong maong sa nalapnos na balat. Si Cid, nahiwa ang talampakan kanina.

Malamig ang hangin, humihina ang ulan, pero tumataas ang tubig.

Ngayon, ano na?

Nandito kami sa bubong. Akala ko sa TV ko lang nakikita. Binabaha rin kami dati madalas noon, pero hindi ganito kataas.

30 minutes lang, tapos ayun, lahat ng gamit namin wala na.

‘Di kami makatawag sa rescue. Mahirap ang signal, baka makatawag kami sa mga kamag-anak, pero ano magagawa nila?

Sa malayo, naririnig namin ang paos na iyak ng isang aso.
Sa kalsada namin may warehouse na aso lang ang bantay. Siguro nakatali o nakakulong. Siguro naiwan.

Umiiyak ‘yung aso. Narinig na namin lahat ng tunog na ginagawa ng aso – kapag masaya, kapag galit, kapag malungkot.

Ito ang tunog ng asong malapit nang mamatay.

Naalala ni tatay ‘yung alaga naming pusa. ‘Di namin makita kanina nung inaakyat ‘yung “essentials” sa bubong. Nagsimula siyang manalangin.

Humihina na ang takot na hiyaw ng aso. Parang nasasakal sa kadena.

Pumapatak ang ulan sa bubong ng binahang bahay.

Malakas ang agos ng baha sa kalsada.

Tumigil sa pag-iyak ang aso.

At nanaig ang katahimikang parang kutsilyong gumuguhit sa gulugod.

Ang naririnig lang namin, agos ng madidilim na tubig at ang hirap na pagsinghap ng pag-asa.

Ano na ngayon?

Wednesday, February 25, 2009

Yes daw.

Monday, February 23, 2009

Buhay ko bilang commuter part 1

Maraming bad trip sa mundo. Maraming hassle sa buhay.

Tulad na lang kunwari ng araw-araw na commute ko sa trabaho.

Para sa isang industriyang panginoon ang deadlines, at normal ang overtime, sinong maniniwalang mas stressful pa ang pag-commute kesa sa trabaho ko mismo?

Shuttle, MRT-Bus, drive - ano pa man ang means of transportation, papatayin ka ng traffic. Kaya pipiliin mo ang lesser evil -

1) Drive ng kotse - gastos sa gas, gastos sa parking

Isang irony ng buhay ang parking sa Makati. Kapag ordinaryong empleyado ka, mauubos ang suweldo mo sa parking fee.
At kapag big boss ka na, at may malaking suweldo, tsaka ka magkakaroon ng libreng parking space.

2) MRT-Bus - ang stress ng pakikipag-kapwa

Umagang-umaga, ganda ng disposition mo. Sarap ng tulog, sarap ng gising, sarap ng almusal. Tapos makikipagsiksikan ka sa MRT station sa Cubao. Pagdating mo sa Ayala station, pakiramdam mo, buong araw kang nag-overtime.

3) Shuttle - mahabang pila, enclosed space, malas mo minsan pag amoy basang medyas 'yung unit

Ang good news, isang sakay lang hanggang Makati. Puwede ka matulog habang bumibiyahe.


At ang lesser evil, commute by shuttle. Pero ang problema pa rin, ang pila at biyahe. Pag taffic sa kalsada, 'di agad makakabalik ang unit sa terminal, pahaba nang pahaba ang pila. O kung bumibiyahe ka na, mahirap ma-stuck sa traffic nang nakasiksik sa upuan. Puwede kang matulog, kung kaya mo matulog. Personally, ako hinde. Minsan lang pag talagang sobrang antok, pahirapan pa 'yun.

Kaya naman naisip ko, imbis na mag-rant na lang ako sa loob ng shuttle, gamitin ko na lang ang oras para sa mga bagay na mas constructive. Tulad ng pagbabasa.

Tutal, wala kang panalo sa traffic, unless na isa kang kupal na mayaman na may wangwang sa kotse, o kupal na trapong may bitbit na mga hagad kasama ng motorcade - in both cases, mamatay ka na.

Sabi nila, para maging magaling na writer, dapat wide reader. Ngayon, hindi ako magaling na writer, at wala akong time dati magbasa. Ang itinerary ko sa isang weekday - gising maaga, sabak sa trapik, habol ng deadline, kain sa bahay, knock out, tulog. Sa weekend - bawi sa tulog.

Ang problema ko, hindi naman dahil sa tinatamad ako. Mahirap lang mag-focus sa binabasa kapag unti-unting nadudurog ang mundo mo. Same reason kung bakit bihira lang ako mag-blog.

So, 'di ko akalaing masasabi ko'to pero, thank God sa traffic. Sa umaga lang. 'Di ako nakakapagbasa sa gabi.

Actually, dati sinubukan ko. Nagbitbit ako ng maliit na book lamp na may clamp. Kaso pagsindi ko, sobrang liwanag, nakakahiya.

Lagi akong may bitbit na libro sa bag. 'Pag nakapila sa umaga, imbis na mag-memorize ng mga mukha ng mga taong masarap i-caricature, nag-e-enrich ako ng aking literacy. Naks.

Minsan, sa tagal sa pila at traffic, nakakatapos ako ng 2-3 nobela sa isang linggo, kaya minsan, baka makapag-post ako ng book review rito.

Ngayon, ang next project, paano gamitin ang oras na stuck sa traffic para makagawa ng sarili kong nobela...

Kailangan kong bumili ng shotgun...

Last year, ginapang ko ang pagpapa-ayos sa kotse ko.
Full restoration - body lift, body repair, scrape to metal, urethane paint.

Matagal na proseso rin, matagal na paghihintay, pero sulit ang results.

Sa loob ng sampung taong minamaneho ko ito, sa loob ng sampung taon ng mga adventures, wow...

Pogi na ang boks.

Kahapon, nagpa-car wash ako. Wala pang wax, bago-bago pa lang kasi ang pintura kaya masama raw lagyan agad ng wax. Siguro next month pa.

Sa car wash, may pagka-OC ang wash boy. Madalas kasi, 30 minutes lang inaabot, eto halos isang oras. Pero makikita mo naman kung paano nililinis. Walang tigil sa pagpunas ng loob at labas ng kotse, mukhang nabigyan yata ng raise kaya ganado maglinis.

Pagkatapos, ayun, ang kintab na ng boks! Hindi ko aakalaing makakapagmaneho ako ng ganito kakintab na kotse. Wala pang wax 'yan.

Sabi nila, iba raw ang bonding na boy and his car. O siguro, boy and his hobby, para sa mga 'di car guys. May mga lalaking addict sa sports, may mga addict sa errr, ewan, mga baril, may mga addict sa martial arts. Ako eto, addict sa kotse.

Typical guy addiction. 'Di ko na-outgrow 'yung mga kotse-kotsehan ko dati. Pero imbis na mga tuner cars na mala-Fast n Furious, dito ako sa vintage cars.

Iba pa rin kasi ang design noon. Bilugan, makurba, makintab.

Nang makapagbayad na ako, lumapit ako sa bagong linis na beetle. May pride sa bawat lakad ng paa ko. Oo, nalubog ako sa utang. Oo, halos kumain ako ng alikabok. Oo, ginapang ko ang restoration ng kotse ko, at ito ang prize.

Pagbukas ko ng pinto, biglang humangin nang malakas. Nakalimutan ko ang miserableng init ng hapon, at napangiti ako.

Isang click, start agad.

'Di ko inabante agad. Pinakinggan ko muna 'yung krug-krug-krug ng makina. Hingang-malalim. Emote. Ngiti.

Tsaka ko pinaandar.

Nag-drive na ako papunta sa bahay ng GF.

Pumarada ako sa labas.

Last year, may nabanggang motorsiklo sa puno, tumilapon ang pasahero, at tumama ang ulo nito sa front fender ng beetle. Walang helmet, at nag-iwan ng malaking dent sa makapal at matigas na bakal.

Delikado kaya? 'Di naman siguro tatama ang kidlat nang dalawang beses sa isang lugar, 'di ba?

So oks na. Kakalubog lang nun ng araw.

Nung pauwi na ako, gabing-gabi na.

Paglabas ko ng gate, palapit sa kotse, may napansin akong gagimbal-gimbal.

Makintab ang pintura ng beetle.

Sa tama ng ilaw ng mga poste parang lumiliwanag ang kurba ng mga fenders nito.

Lahat ng ilaw sa kalsada, parang nakasalamin sa kinis ng dark green na pintura.

At sa kakinisang nagpapalutang sa puso ko, lagpak-lagpak na nakasambulat ang tae ng ibon.

Sa madaling salita, putangina.

Hindi naman sa maselan ako. Sa garahe sa bahay, nababagsakan naman ng ebs ng ibon ang kotse ko.

Normal na 'yun e- alikabok, tae ng ibon, dagta ng puno, itlog ng langaw...

Minsan, sa sobrang busy ng sked ko, isang buwang 'di mahuhugasan 'yung kotse ko.

Lalo na nung 'di pa bago ang pintura nun, ulan lang ang car wash.

Pero naman, ngayon pa?

Kakalinis lang, wala pang kalahating araw, wala pang gitna ng gabi, ginawa nang banyo ang bubong ng beetle!

Isa pa kasing nakapagngingitngit, buti kasi sana kung isang PLOK lang e.

Kaso hinde.

Mukhang nananadya ang lintik na ibon.
O mga ibon.

Dahil carpet bomb ang nangyari.

Either isang grupo silang mga putanginang ibon silang nag-bombs-away sa kotse ko, o isang dambuhalang ibong may matinding-matinding LBM!

Ang punchline? Walang spot ng ebs sa kalsada, sidewalk, o sa malapit na mga halaman.

Pag-uwi sa bahay, pagparada sa garahe, 'di na ako pumasok.

Kumuha ako ng isang timbang tubig, at trapo ('yung basahan, hindi 'yung congressman) at nagsimula na akong maglinis.

Habang sinisingit ko ang mga braso ko sa ilalim ng roofrack, lalo pang lumilitaw ang mga litid ko sa galit. Putaragis, puwede namang targetin ang hood, 'di ba? O fenders, para madali linisin. Kailangan talagang sa bubong na may roofrack e.
Fucker.

Napuyat tuloy ako.

Ngayon, gusto kong malaman kung ano factors na kino-consider ng mga ibon sa pagpili nila ng tataehan. Makaktulong 'yun 'di ba? Mystery 'yun e.

Lagi kong nababasa sa iba't-ibang car fora 'yung joke tungkol sa mga ibong tumatae sa bagong linis na mga kotse. 'Kala ko comedy lang 'yun, pero wow. Totoo pala.

Alam ko, 'yung isang kaibigan ko, may hunting rifle sa bahay. Dati sa lolo niyang war veteran, ngayon susubukan niyang i-register sa pangalan niya. Tinanong ko kung puwedeng mahiram. May grudge lang akong aayusin, at siyempre, sa kanya lahat ng tamaan. Kinuwento ko ang nangyari.

Cool daw 'yun, pero mas mabuti raw kung shotgun ang gagamitin.

Shotgun... isang bagong item sa wishlist ko...

Tuesday, October 14, 2008

Ang Hiwaga ng Horror Tunnel

Isang kulay gray na weekend, kasama ko si gf magbayad ng bills sa banko. Nung nakaraang weekdays, abot tenga ang workload, at 'di ko naasikaso 'yung pagbayad ng utang. Buti na lang may bukas na branch sa may Sta. Lu.

Paglabas namin ng banko, tutal nasa mall na rin kami, so lakwatsa na, libot-libot.

Umabot kami sa top floor ng Sta. Lu, sumilip sa Planet Toys, at paglabas, napatingin kami sa World of Fun. "Tara, tingin tayo dun!" yaya ni gf. Oks lang. Naisip ko, 'di pa kami nakakarating sa amusement park, malayo naman ang Enchanted Kingdom, oks na'to.

E 'di lakad na kami. Wala namang bayad ang entrance. Libot kami dun, silip sa mga bump car, sa mga video arcade, sa mga nagvivideoke... Maraming tao, pero 'di naman siksikan. Kakalakad namin, napadaan kami sa labas ng Horror Tunnel.

Tinginan. Niyaya ko siya kung trip niya, kaso ayaw. May hesitation. Medyo madali kasi matakot.

Habang nakatayo kami dun, biglang lumabas ang train. Bleh. Generic na blue na train lang.
Naalala ko tuloy, first time ko sa horror ride, sa Fiesta Carnival nung mid-80s. Kasama ko nun utol ko, tsaka lolo ko.
'Yung train nun, karir. Bawat isang car, may kanya-kanyang demonic na design, at iba-iba ang kulay. Sa loob pa ng ride, well, nakakatakot nga para sa isang bata nun - dumadagundong sa speakers ang malalaking boses na nagtatawanan, mga boses mula sa hukay, may mga mechanical pang bangkay na bumabangon sa bukas-sarang kabaong. Astig.

'Yun na siguro ang pinakapanalong horror ride na nasakyan ko. Nung medyo matanda na ako, sumubok kami sa Calle Trese ng Star City, tsaka dun sa "Kilabot ng Mummy" na horror house nila, at napaka-boring. Wala na ring train dito, lakad na lang sa loob - na dapat sana mas kinarir pa 'yung pananakot sa loob para mas masaya. Kaso, 'yung attraction dun, same plastic toys na makukuha mo rin sa department stores pag halloween.

O siguro, iba na rin ang point of view ko. Mas marami na kasing mas nakakatakot sa totoong buhay, mga hilakbot na kapag ikumpara mo, nagmumukhang Disneyland ang pinakamalupit na horror ride. Tulad kunwari ng pagpardon sa mga convicted child rapist at mga mayayamang gagong namamaril ng teenagers sa kalsada. O ng oil price hike.
O ng tax sa suweldo.

O ng time sheet.

So anyway, nandito na kami ni gf, nakatayo pa rin. Ayaw niya talaga, so sige lang, lakad ulit...

Pagka-ikot namin, balik ulit kami sa tapat ng Horror Tunnel. Tinginan ulit.

"Sige na nga, halloween naman e!"

Yes! So bumili kami ng ticket, nagulat ako, P10 lang isa! Naks! Tapos pila kami ulit sa labas. Tatlong beses umiikot 'yung train bago matapos ang ride. Naghihiyawan 'yung mga nakasakay na teenagers. Ako naman, nag-iisip, ngayon lang ulit ako makakasakay sa horror ride. Sana nakakatakot 'yung attraction sa loob. Sana mas kinarir. Kahit na alam kong goma at paper mache ang mga demonyo't bangkay at zombies, at least detalyado sana para lang ma-relive ko 'yung experience ng unang sakay ko nun...

At eto, tumigil na 'yung train. Baba na mga pasahero, kami naman. Dun kami sumakay ni gf sa pinakadulo. Ang boring talaga tingnan ng train na'to. Wala man lang arte. Wala man lang effect...

Tapos umandar na. Nung pumasok 'yung mga naunang cars sa loob, hiyawan na. Napakapit si gf sa braso ko nang mahigpit.
Natatakot. Ako naman, excited nang konti.

At na-disappoint.

Maliit lang 'yung loob ng ride. Sa pader sa kaliwa, kulay itim lang. Wala man lang drawing ng mga zombie o kalansay o kulto o mga demonyong naliligo sa ilog ng dugo. Wala. Ang meron lang, glow in the dark na spray paint ng mga paniki at nitso. WTF!?

At sa kanan naman, parang kuweba tapos may bariles na may nakapatong na ulo ng unggoy. WOW! NAMPOTAH! SYET! ULO NG UNGGOY NAKAPATONG SA BARILES! TANGINA DI AKO MAKAKATULOG MAMAYA! GRABE!!!! IBANG LEVEL NA NG HORROR ITO!!!!!

Sa kabilang dulo, malapit sa exit, may staff member na nakasuot ng itim na tela at gomang halloween mask na nakita namin kanina sa may Planet Toys. Inaabot niya 'yung mga teenager sa unahan ng train. Sigawan siyempre, hiyawan. Pagdating sa amin, bored na yata 'yung "halimaw" kasi kumakaway na lang habang umaangil.

Tapos labas ang train, at napalitan ang kadiliman ng mga mukha ng mga taong nakapila sa bakuran. Pero 'di pa tumitigil ang train. May dalawang ikot pa. Hindi na rin takot si gf. Sus, disappointed ako. Kaso inisip ko, ano ba ine-expect ko sa P10?

Nilamon muli ang train ng Horror Tunnel, at nandun ulit ang mga spray-painted na paniki at nitso, ang bariles na may ulo gn unggoy... Boring...

Nang biglang nagpupuputok 'yung sahig na parang fireworks! Astig! Sigawan ang mga bata sa harap. Nice! So bale, dahil boring 'yung attractions sa loob, babawiin sa special effects! Kung 'di ka natakot, panindak na lang! Cool! So paano 'yun? Kada ikot, padagdag nang padagdag 'yung effects? Tangina ang saya! O sige, 'di masyado nakakatakot, pero interesting na! Tuloy-tuloy ang pagputok sa sahig. Tapos biglang tumigil 'yung train. Hinihintay kong sugurin kami ng mga "halimaw" ibang experience naman 'yun! Kaso, may narinig kaming boses.

"Ma'am! Nag-overheat po!"

Mausok nang konti, nagulantang 'yung mga pasahero. Ako naman, tawa nang tawa nang tawa nang tawa.

"Ma'am! Nag-overheat po!" paulit-ulit na sigaw nung staff member na ngayo'y nagtatanggal ng maitim na tela tsaka maskara. 'Yung mga teenager sa harap, nagsisigawan na rin. "Sunog! Sunog!"

Ngayon, takot na takot na si gf. 'Di ako mapigil sa kakatawa.

"Mga ma'am, mga sir, baba na lang po muna kayo, dun po ang exit..."

E di baba kami, tapos nagpalit sila ng isip, pinasakay na lang kami ulit, tapos itutulak nila palabas 'yung train.

At ayun, iniluwa kami ng Horror Tunnel, mabagal ang andar ng train, tulak-tulak sa magkabilang gilid ng dalawang pawisang staff members.

Bumaba kami, lumabas. Relax na si gf, tumatawa na rin - tawang tuloy-tuloy, na sobrang lakas, na medyo nag-alala na rin ako kasi baka hikain siya.

Puwede raw ipa-reimburse 'yung bayad namin, pero naisip ko, 'wag na.

Sulit itong horror ride na'to.

Friday, June 27, 2008

What's happiness?

You're in a restaurant. For the last hour you've been chugging down mugs of bottomless iced tea.

Then, you feel the need to relieve yourself.

You go to the CR and find that it's out of order. The only option is to go out and find a public toilet.

So you hold it in and call the waiter to pay the bill.

The waiter takes his time while you almost curl on your seat.

The bill arrives. You whip out your wallet then find out, to your shock and horror, that your cash won't cover the bill.

So you use your credit card instead.

The waiter takes it.

You wait again. This time you stand and walk around your table while holding in all those iced tea.

The waiter goes back, and tells you that the bank is offline. You take your other credit card and hand it over. The waiter goes back to the counter again.

After what seems like an eternity, the waiter comes back and you sign the forms.

You dash outside the restaurant into the mall.

The mall is packed with people. It takes all of your concentration to hold everything in.

A fountain splashes loudly in plain view. You try to avoid looking at it.

You squeeze through the crowd, searching for the restroom, but your mind can't concentrate on your bladder and your sense of direction at the same time.

You try to run, but the movement just makes things worse, so you opt to walk. Slowly.

Each step is torture.

Then, you see the familiar CR icon on a door. You rush to it, only to find that it's locked because it's for mall employees only.

A guard walks past you and you call out to him.

You ask him for directions to the nearest comfort room.

He apologizes and tells you that it's his first day of work. He takes out his pocketbook guide and looks into it.

He finally gives you vague directions.

You walk agonizingly slow.

Everything seems to melt before your eyes in a blurry haze of madness.
You can only feel the pressure building inside you, this pressure that can burst any moment.

Then you see it.

The open door of the restroom.

With teary eyes, you sigh your relief as you walk slowly towards it.

You enter the restroom to see lots of people inside.

You fall in line.

The excitement builds more and more as you get nearer the urinal.

Finally, you reach the urinal.

You zip open your fly.

You let it all loose.

Now, this exact moment of release, this instance of freedom - this is HAPPINESS!

Thursday, June 26, 2008

Scratching itches

A thought crossed my mind the other night.

And by "crossed" I mean "stabs me in the dark with a sudden realization that won't let me sleep peacefully."

This, of course, is the fact that I haven't done anything literary since I started working.

And no, blogs really don't count.

To be honest, I really haven't stopped writing. That's what I do for work.

The downside is, writing copy for capitalist propaganda really takes its toll.

Last month, I started reading again. And this week, I started experimenting again. With poetry.

The justification is, hell, anyone can easily put together a decent essay. Fiction is good, but it can take forever to complete
given my hellish workload.

Poetry, well, I can string a few lines together, then progress to tweaking it immediately.

Sure enough, I finished one yesterday. I'm now on the tweaking process.

As for blog entries, I've been active for sometime over at Multiply.
That is, until the system started to fuck my entries.

If time permits, maybe I'll get this blog up and running again.

Two months ago.

Gabi nun. Kakarating ko lang sa bahay ng gf. Pinarada ko ang VW. Malawak ang kalsada. Pagbaba ko, ‘di pa masyado nakagilid. So start ulit, at inayos ko ang parking. Dikit na dikit sa sidewalk. Malawak ang kalsada. Siguro mga 3 lanes. Nakagilid na ang VW. Oks.

Pasok ako sa loob, nood kami ng TV.

Maya-maya, may malakas na KRASH! Labas ng bahay lahat ng mga tao. Sunod ako.
Silip kami sa gate. Maraming tao sa labas. Sa tapat ng VW. May nakatumbang motor, may mga tao sa paligid. Tumatakbo sa utak ko: syetwagsanasyetwagsanasyetwagsanaPUTANGINAWAG NAMAN!

Labas ako ng gate, kabado. Malakas ang amoy ng beer.

Sa likod ng beetle, may basag na bote ng Red Horse. Nakatakip pa ng tansan.

Sa harap ng beetle, may nakatumbang motor. Lahat ng tao, nagsilabasan sa bahay. May 2 mokong na pinagkakaguluhan. Umikot ako sa paligid ng beetle. Mukhang oks. Isang ikot ulit, walang basag na bintana, walang basag na ilaw. Pero yung isang lalaki, mukhang basag ang ulo. Tapos nakita ko, sa isang fender, may malaking lubog.

Na nakakatakot.

Ganito kasi ‘yun. ‘Yung fender ng beetle, matigas ang lata. Kapag kinatok mo yung hood kunwari, o yung bubong, ang tunog, tunog-lata: TONK-TONK-TONK. Yung fender, kapag kinatok mo, solid: TOK-TOK-TOK.

Tapos nakalubog. Gaano ka kabilis tumilapon, gaano ka kalakas sumalpok para lumubog ‘yung bakal?

Dumating na ‘yung ambulance. Dumating na ‘yung mga pulis at baranggay tanod. Kinunan ng litrato ‘yung scene.

2 kotse ang tinamaan. ‘Yung beetle ko, sa fender, at ‘yung isang kotseng nakaparada sa driveway na natanggalan ng bumper.

Parehong walang helmet ‘yung mga naka-motor, parehong may tama. At ‘yung bike? Otso ang gulong, literally – 8!

So ano nangyari?

Ganito, sa isang bagong-bukas na gasolinahan sa may kanto, umuwi na ‘yung supervisor. At pag wala ang bosing, nag-iinuman pala ang mga matsing. On duty. E kinulang ng toma, umalis ngayon ang dalawa para bumili ng extra. So ngayon, meron kang dalawang medyo lasing na mokong sa motor. Nung nakabili na, nagmamadali silang bumalik. Mabilis ang takbo. May kasalubong. Iwas, tama ang gulong sa malaking lubak, out of control na. Humampas sila sa kotseng nakaparada sa driveway, sinabit ang bumper, dumiretso’t humampas sa puno. Paghampas, tumilapon ‘yung pasahero’t sapol sa matigas na bakal na fender ng beetle ko. ‘Yung bote ng Red Horse, tumalsik, lumampas sa beetle ko, at nabasag sa tapat ng gate ng bahay ni gf. At wala silang helmet.

Nasa ambulance na ‘yung pasahero, hindi makalakad, masakit ulo. ‘Yung driver, walang pinsala sa katawan, pero magkaka-hemorrhage sa bulsa.

Nilagay na ng mga tanod ‘yung sitrang motor sa likod ng owner jeep, at dinala sa presinto.

Sumunod na ako, kasama ng gf ko.

Ngayon, sa puntong ito, kung may galit man ako, nalunod ang lahat sa isang malaking pakiramdam ng WTF.

Una kasi, putsa, malawak ‘yung kalsada para sa isang 2-way street. Puwede kang mag-parada sa magkabilang gilid ng kalsada, tapos maluwag pa rin sa gitna. Ni hindi nga dinadaanan masyado ng sasakyan itong lugar.

Pangalawa, tinabi ko na ‘yung beetle. Ginilid ko na talaga para lang walang sumabit, pero kung malas ka talaga, ‘di ba? ‘Yung isang kotse nga, nakapasok sa driveway, tinamaan pa rin. Parang nginuya ng dragon ‘yung bumper.

Anyways, ipapasok ko na rin naman itong beetle ko sa talyer para ipaayos.

So nandun na ako sa police outpost. May isang pulis na nakatambay. Wala masyadong tao. Nandun ‘yung driver, nagmumukhang tae. Nandun ako, si gf, at ‘yung dalawang may-ari ng kotse.

Naiisip ko nun, kawawa rin itong si gago. Dalawang kotse tinamaan niya, sinira pa niya motor niya. At magkano ba suweldo ng gasboy? Malamang pagkatapos pa nito, siguradong tanggal siya sa trabaho.

Kinuwento ni mokong ang nangyari. Napapailing na lang ‘yung pulis. Inuman on-duty. Nagmomotor nang may tama at walang helmet. ‘Yung may-ari ng kotse, medyo cool naman, pero ‘yung isa, alam mong nagtitimpi.

Handa naman siyang makipag-ayusan. Tinanong ako kung magkano estimate ng tama ko, sabi ko medyo mahirap din dahil di lang simpleng pukpok ng yero gagawin dun. Buong fender kailangan pintahan din. Dati, nabangga sa likod ‘yung beetle ko. Kailangan ayusin ‘yung engine lid. Inabot ako 3k lahat. Dapat 3k din ang gastos ditto, pero dahil naawa pa ako, at dahil ipapaayos ko na rin naman ‘yung buong kotse ko, sabi ko 2k. Tumawad si gago. “Pards naman, nananahimik kotse ko, ikaw bumangga.” Nauwi sa 1700p.

Iniisip ko pa nun, sana sa headlight na lang sila tumama. Mas madugo siguro, pero band-aid lang ang katapat. Walang basag na bungo, at isa pa, 300p lang naman ang surplus na headlight.

Babayaran daw niya ngayon. Nasa gasolinahan daw pera niya. Nagbiro pa ‘yung pulis – baka naman kukupit ka pa sa kahera! Nag-volunteer ‘yung dalawa na sila na maghahatid sa gasolinahan. Kaya naghintay na lang ako sa presinto.

Pagbalik, inabot na sa akin ‘yung pera. Pumirma na akong oks na ako. Siningil ako ng pulis dun sa picture na kinunan nila kanina. Tinuro ko na si mokong.

Sa narinig ko, maghahanap na lang siya ng surplus na bumper para palitan ‘yung winarak ng motor niya. Siguro naman naayos na ‘yun kasi nung mga sumunod na araw, pag bumibisita ulit ako sa gf ko, nakikita ko si mokong at ‘yung mga may-ari ng kotse, nag-uusap habang tinitingnan ‘yung sirang bumper sa tapat ng bahay nila.

Wala na akong balita mula nun.

Pinasok ko ‘yung beetle sa talyer, at ngayon, matatapos na sa loob ng 2-3 linggo. Nung dumaan ako isang beses, na-scrape na ‘yung pintura. Tiningnan ko ‘yung fender na dating lumubog. Pinukpok na kaya oks na.

Kinatok ko – TOK-TOK-TOK.

Makapal at matigas talaga ‘yung bakal.