Monday, February 14, 2005

'Di ko love 'to... pakshet!

Last year, niyaya ako ni TJ, magkikita-kita raw sila ng mga dati kong co-workers para manood ng movie - Supersize Me. 'Di pa raw sure kung sa Megamall o sa Greenbelt manonood. Since nami-miss ko na rin sila, sabi ko sa Greenbelt na lang magkita-kita para makasama ako.

Well, nakaka-praning nga yung documentary na Supersize Me. Sa simula talaga matatakot kang kumain sa fastfood, pero naman, di ako madalas kumain sa fastfood.
At ang mga rason ko ay mas may kinalaman sa budget, kesa sa health.

So anyway, lumalayo na ako sa story. Eto yun. Minsan kasi, nagpupunta akong Megamall tuwing lunchtime para kumuha ng mga hotwheels na iniiwan dun ng mga kasama kong kolektor.

Linalakad ko mula sa opisina namin sa dulo ng Ayala hanggang sa Ayala MRT station. Bakit? MAs mabilis kasi kesa mag-bus. At isa pa, kailangang sunugin yung mga bilbil na sumulpot nung kasagsagan ng Pasko.

Mula sa Ayala station, sasakay ako ng MRT patungong Ortigas station. Bababa ako sa napakataas na hagdan, tatakbo sa loob ng Megamall, at aakyat sa 4th level kung saan nandun yung hobby shop. Pagka-pick-up ng items, lalabas ako sa Mega B, at, take note, aakyatin ko yung napakataas na hagdan ng station ng Shaw Blvd. Hindi escalator, hagdan!

Mabilis yun. Kailangang makabalik ako sa opisina sa loob ng isang oras.

Kaya understandable naman siguro na pagbalik ko sa Ayala Station, uhaw na uhaw na ako. Buti na lang may mga kainan sa Ayala Station.

LAst month, napansin kong may bagong booth sa labas yung McDo, at sa halagang bente pesos, may small softdrink ka na at isang Burger McDo. Cool!

Oo, alam ko yung health risk na pinakita sa Supersize Me, pero sa totoo lang mangingibabaw at mangingibabaw pa rin sa akin ang katakawan. Siguro matatakot ako nang, errr, isang linggo, pero iba pa rin ang appeal ng piniritong karne ng ewan na nilalagay sa burger patties. O sige, sabihin na nating 100% Beef nga yan, ang tanong, anong parte ng baka yang nginunguya mo kasabay ng fries?

Okay, so kada pabalik na ako galing Megamall, lagi akong may nakahandang bente na pambili ng McDo. Lalamunin ko yun habang naglalakad ako nang mabilis, putsa, mataas man cholesterol nun, ilang hagdan ba inakyatan ko, so sunog na yun siguro di ba?

So ganun, minsan once a month, minsan twice a month, ganun.

Eto na. Kanina, nanggaling akong Megamall ulit, at siyempre, bumili na naman ako ng McDo sa Ayala Station. Pero imbis na kainin ko yung binili ko habang naglalakad, tumambay na lang ako saglit. Hawak ko sa isang kamay yung bag ng hotwheels at yung burger, sa kabila yung coke.

So ayun, lamon, lunok, lagok. Inubos ko na yung coke, tinungga ko dahil ang init ng panahon! Tapos, habang inuubos ko na yung burger, biglang may dumating na lalaking naka-McDo uniform sa booth. May dala-dalang isang kulay gray na plastic na timba na punong-puno ng...

...COKE!

Napatigil ako sa kakanguya. Napatingin ako. Iniisip ko- naknangsiopao, hindi yan coke, hindi yan coke, mag-lalampaso lang siguro sa booth yung lalaki, di yan coke, putaragis, wag sana coke yan...

At ayun, nag-refill na sila sa cooler ng coke gamit yung timba.

Ang sama naman tingnan siyempre. Kahit na sabihin mong malinis yung timbang plastic, yung shock value ng visual na yun, sobra! Parang kunwari, nasa restaurant ka, tapos umorder ka ng soup, tapos biglang dumating yung waiter dala-dala yung soup mo sa isang tabong plastic- at oo, nangyari ito sa isang officemate ko dati.

Pero hindi lang yun e. Ang isa ko pang napansin- sumasawsaw yung daliri nung lalaki sa coke nung itataas na niya yung timba ng coke! At buti sana kung may guwantes di ba?

Tangina naman!!!!! Kaya habang nilulunok ko yung Burger McDo ko, napatingin ako sa baso ng coke na naubos ko. At na-realize kong hindi lang coke ang nainom ko...

Habang naglalakad ako pabalik, iniisip ko kung dapat ko bang isuka yung ininom ko o hindi. Dilemma sa akin yun dahil technically, para na akong sinubuan ng isang kamay na di ko alam kung ano ang kinamot, at kung isusuka ko yung coke, dadaan ulit yun sa bibig ko, di ba?

Kaya pagbalik ng opisina, mahilo-hilo ako sa asar, inis, at pandidiri! Anong gagawin ko? Nakita ko yung water cooler namin dito sa area namin... AHA!

Tumungga ako ng ilang basong tubig. Dire-diretso. Lintek, iiihi ko na lang yung softdrinks, punyeta!

At habang lumalagok ako sa baso ko ngayon, tuloy-tuloy pa rin akong nagmumura sa isip ko... parang orasyon! Sumpa!

Sumpain ka Ronald McDonald! Ilang tao sa MRT station ang bumibili sa 20P booth na yun, at ang pang-refill nila sa softdrinks ay isang lumang timbang plastic na mas galgal pa sa timba ng nagbebenta ng binatog sa baranggay namin? At putsa naman! Magkano ba ang isang pares ng disposable gloves para dun sa taga-salin?

Moral of the story: Mag-ingat sa mga 20 pesos na value meals...

1 Comments:

Blogger handyfemme said...

Hehe natawa ako dito kuya Jol. Kadiri naman sana sa Water Jug na lang nila nilagay. >___>

7:09 AM  

Post a Comment

<< Home