Monday, February 21, 2005

Pag-ibig sa panahon ng retrenchment

(isang late valentine entry para sa mga nagsasabing wala na akong sinulat dito kundi rants)

March 2004.

Nandito ako ngayon sa harap ng mesa ko sa isang opisina sa Tektite Towers sa Ortigas. Nakakaaliw ang keyboard ko. Goth. Punk. Kada type ko, may lumalabas na maliliit na ipis sa tabi. Tinungkab ko yung isang key minsan, at ayun, pugad ng maliliit na ipis ang keyboard ko. At least gumagana lahat ng keys niya.

Itong mga nakaraang araw, tahimik at tense sa buong opisina. Pagkatapos ng en grandeng x-mas party, nagsimula na raw ang retrenchment. Di na raw kaya ng opisina mag-maintain ng tao, kaya ayun, ilang departments ang binagsakan ng palakol.

Pero ako, nakakapagtaka. Kung ako yung sarili ko nung mga nakaraang taon, dapat nag-aangas na ako ngayon. Dapat ninenerbiyos na ako. Ang hirap maghanap ng trabaho, lintek, at isang buwan pa bago ako mag-isang taon sa opisina ko. May kukuha ba ng writer na may "almost a year" na work experience?

Kaso, cool lang ako. Iniisip ko pa rin si P. Nagkakilala kami sa opening ng art exhibit ng local art group sa amin. Tapos, nagkakausap kami sa telepono, tapos, ayun. Cool na kami. Ganito ba yun, kapag in lab? Nawawala ang takot? Bangag? Tama, parang bangag.

Yung department sa tabi namin, dati, panay tawanan tsaka ingay. Ngayon, tahimik na. Buong opisina, parang nagluluksa. Pakiramdam namin, may kalawit na umiikot-ikot sa ibabaw namin. Di mo malalaman kung kailan o kanino babagsak.

Nag-aayos na kami ngayon ng portfolio, naghahabol ng mga lumang trabaho. Yung head ng grupo namin, nag-resign na nung nakaraang buwan, at yung senior member namin, nag-resign na rin. Kami, nandito pa, taga-drawing ng posters, taga-gawa ng press releases.

Sinisisi ng opisina yung rampant piracy ng mga pelikula kaya bagsak ang film industry. A ulul. Natatawa na lang ako.

Tuwing lunchtime, kasama ko yung dalawang artist. Pinag-uusapan na namin ang next move. Sumasama rin yung coordinator, nakikibalita kami, dahil yung dati naming boss, may konek sa advwertising, baka matulungan kaming malipat dun.

Ganun lang lagi ang diskusyon. Pagkatapos, itatabi na namin ang mga baunan namin, sila, magtatrabaho ulit, ako, dahil wala masyadong trabahong dumarating para sa writer, mag-i-internet lang, o mag-iisip ulit. Iniisip ko si P.

"...hindi siguro kayo mawawala. Kayo lang ang creative department dito e. Kailangan nila kayo..." sabi nung isang taga-kabilang department.

"Sana nga. KAso baka i-downsize ang grupo natin, paano na yun?" concern ng isang kasama ko.

"Sus! 3 na lang tayo! Tambak ang trabaho, tatanggalin pa isa sa atin?" comment nung isa pa.

"Gago, suwerte nga si Jol e, siya lang writer, e tayo, 2 artist!" bawi nung isa.

Tapos napangiti lang ako. Tawanan kami nang konti. Nararamdaman namin yung kalawit sa ulo namin. Nakakamatay yung suspense. Para kaming nasa Weakest Link. KAso, kumpara dun sa dalawa, relax lang ako. Papasok ako sa umaga, internet lang nang kaunti. Pag may dumating na trabaho, gawin ko lang bago mag-tanghalian. Tapos, sideline naman. Pag may free time, tatawag ako kina P. Mangungumusta nang kaunti.

At isang araw, bumagsak na nga yung hinihintay naming kalawit.

Nag-ring yung telepono namin. Sinagot nung artist. Tapos binaba.

"Oi Jol, baba raw tayo mamaya sa HR."

Ayan na.

Naaalala ko, nagbibiruan pa kaming tatlo sa elevator pababa.

"Gago, ganito, sasabihin sa atin there can only be one tapos may death match..."

"Hinde, pare, 3 ang bababa, pero isa lang ang aakyat..."

Napapansin ko na ang mga nerbiyos na tawa nung dalawa. MAlamig yung pawis sa noo nila siguro. Pero, wow, kalmado pa rin ako. MAmaya, pagkatapos ng opisina, dadaanan ko si P sa bahay nila. MAsaya ako. Weirdo, ano? Matatanggal na ako sa trabaho, panliligaw pa rin ang iniisip ko.

Pumasok na kami sa opisina ng HR head. Nakaupo kaming tatlo, tabi-tabi. Sa harap namin, yung HR head, at yung 2 assistants niya. Parang group date.

May moment pa ng awkward silence. Paano mo ba ibabagsak nang tuluyan yung kalawit sa leeg nang di masyado nasasaktan yung tao?

"Guys, ganito kasi..." panimula ng HR head, at nagkuwento na siya tungkol sa krisis sa industriya. Di ko na matandaan kung ano yung mga detalye. Lintek, yung 2 kasama ko, ewan kung maaalala din nila yun. Basta ang bottomline, papalayain na kami ng kompanya, period.

"Any questions?"

Nagtanong yung kasama ko tungkol sa matatanggap na benefits. Sinagot naman.

"Tanong pa?"

Masyadong tense ang atmosphere. Nagsalita ako.

"Ma'am, wala kaming libreng candy?"

Tawanan. Pero tense pa rin. Inabot nung HR head yung isang lata ng Fox, at pinakuha kami ng candy. Kumuha ako nung pula. Lahat ng taoo kumuha. Pero biro lang yun. Di ko alam na nagtatago ng isang lata ng FOx candy yung HR head. Lintek, malamang minumura pa ako nun sa isip niya habang inaabot yung lata sa amin.

Kaya yun, sa isang hapon, retrench kaming tatlo. Official na. Sa loob ng ilang linggo, dissolved na ang Creative Department. Simula bukas, wala na kaming tatanggapin na work orders, at aasikasuhin na namin ang clearance namin.

Tinutunaw pa namin sa bibig namin yung candy namin habang naglalakad papuntang elevator.

"PAre, tatlong bumaba, walang umakyat."

Tawanan ulit. Wala na akong trabaho, pero parang wala akong pakialam. Parang wala lang. Hinahanapan ko ang sarili ko ng panic, pero wala talaga. Cool lang ako.

"Good news mga dudie!" sigaw nung coordinator namin.

"Tumawag si Sir, bigay nyo raw sa kanya ang resume tsaka portfolio nyo!"

Buntong-hininga.

"Ano nangyari? Ano sabi sa HR?"

Yung mga kasama ko na yung nagkuwento.

"Itong si Jol, humingi pa ng candy e!"

Hehehe.

Nauna na akong umuwi nung hapon na yun. Sa susunod na araw, magkikita-kita kami kasama yung dating boss namin sa Hard Rock Cafe para i-abot ang resume, at mag-iinuman kami habang tumutugtog sa background ang "Celebrate good times - c'mon!"
Sa mga susunod na araw, magiging busy na kami sa paghahabol sa clearance at sa pagbuo ng portfolio.

Paglabas ko sa building, medyo kulimlim, at parang uulan. Yung mga yuppie sa tabi, nagsisilungan na, naglalabas na ng payong.

Humahampas sa buhok ko ang malakas na hangin sa Ortigas.Wala akong jaket, wala akong payong.

At wala na akong trabaho.

Umaambon na. Kalmado lang ako.

Bago ako umuwi, dadaan muna ako sa flower shop. Bibili ako ng kahit isa lang. Tapos dadaan ako kina P. Iaabot ko yung bulaklak, at malulunod ako sa matamis niyang ngiti.

Nagsimula na akong maglakad.

3 Comments:

Blogger kantogirl said...

sige na nga, happy anniversary na sa inyo. ilabas mo na kasi yan ng baul eh.

1:59 PM  
Blogger Strange Twisted Girl said...

wehehehe. natutuwa ako sa post mo! pa-link po ah :)

10:21 PM  
Blogger lizardego said...

oi bob,
galing mong sumulat.
ba't di mo isali to sa palanca? cool 'to.

5:08 PM  

Post a Comment

<< Home