Friday, January 28, 2005

Nasusunog na Chucks part 2

Masaya na ito.

Isang gabi, pauwi na ako mula sa opisina. Puyat, pagod, at pilit na magmaneho sa lintek na Makati traffic.

Tapos nakatanggap ako ng text mula sa utol ko. Pupunta raw sila sa tiangge sa tabi ng ilog. Habol daw ako.

Yari, mukhang maghahalungkat na naman sila ng mga piratang DVD... Habang sinisinghot ko ang bango ng trapik sa kahabaan ng Kalayaan at C5, nagpasya ako na sumunod na rin. Tutal wala na akong quality time kasama ang mga tao sa bahay. Umaga hanggang gabi nakakulong ako sa work space ko, nag-iisip kung paano magbenta pa ng mas maraming load sa mga jologs... at pag weekends, knock out ako- nananaginip kung paano magbenta ng mas maraming load sa mga jologs. Kaya sige, sama na ako sa tiangge. May quality time na sa pamilya, makaka-interact ko pa ang mga target market naming jologs.

Mabuti na lang at nakaparada ako nang maayos sa tabi ng kalsada. Pagbaba ko sa tabi ng ilog, di gaanong marami ang mga tao, tutal gitna naman ng linggo. Lahat siguro nasa bahay na at nagpapahinga, at ako, nandito at tumutulong sa pag-dive sa dagat ng mga DVDng pirated.

Bored ako. Wala naman masyadong magagandang pelikula, iisa lang ang benta ng lahat.
Kasama ko yung tatay ko na naglalakad, palipat na sa kabilang dulo ng mga tiangge, tapos narinig ko boses niya.

"O! Ito hinahanap mo 'di ba?"

Sinundan ko kung saan siya nakaturo, at dun, tumambad sa harap ng mga naglalakihan kong mga matang puyat- isang paa ng chucks na itim... na may apoy sa gilid na design!

Tiningnan ko agad ang size, lintek, size 7. Tinawag ko yung tindero, kung may size 8 1/2 sila. Wala raw. 9 lang.

Okay lang! Magkano? 500p lang daw. Bigla akong natigilan. Hmmmm... lampas isang libo ito sa labas a... Pero may tag naman, orig chucks daw. Ok lang. Sige.

Swak na swak sa paa ko nung sinukat ko! Owrayt!

Habang kumakain sa tabi ng ilog, di ko na inalintana kung hilaw at nakulangan sa linis yung isaw na nginunguya ko. Putsa, bukas nakasuot na ako ng HOT na sapatos!
Pero sa likod ng kamalayan ko, masyadong suspicious e. 500p para sa isang bagong pares ng chucks?

Peke kaya? Puwede.

Asa pa akong orig ito.

Pero may tag ng chucks e.

Linabas ko sa kahon yung sapatos. Tiningnan yung design na apoy.

Medyo tabingi sa kabilang gilid. Error kaya? Mga di pumasa sa quality control kaya binenta nang mas mura?

Puwede.

O kaya... baka mga old stock na orig na chucks na itim, tapos pinintahan lang sa gilid ng apoy para magmukhang bago?

Puwede.

Tiningnan ko yung mga paa ko, at na-realize ko na di ko pala suot ngayon yung orig na chucks ko, kaya di ko maikumpara.

Pag-uwi sa bahay, habang tinetest ng mga tao sa amin yung mga DVDng nakuha nila, tinetest ko naman ang nabili kong chucks.

Tinabi ko siya sa orig na pares ko. At ayun, may difference na. Ang orig ko ay size 8 1/2, at ang nabili ko ay size 9...

Pero mas malaki ang paa ng size 8 1/2 ng kalahating centimeter kesa sa size 9!

Okay lang. Kunwari size 9 ako pag suot ko. Tutal, alam naman natin ang sabi nila tungkol sa mga lalaking malaki ang paa di ba? Hehehehe...

Iba pang mga pagkakaiba - Yung dulo niya, yung madalas apakan kapag binibinyagan, mas malaki yung sa bago. Pati yung kung ano man ang tawag sa gilid ng suwelas sa bandang harap. Mas maiksi yata yung sa bago.

Kaya official na. Peke nga ang nabili ko.

Pero, di naman ako nagrereklamo. Sinuot ko agad yung bagong pares para "ma-break in" at naglalakad ako sa loob ng bahay. Naapakan ng excitement ko sa bagong sapatos ang puyat at pagod ko kanina. At nung makatulog na ako, di na ako nanaginip kung paano magbenta ng mas maraming load sa mga jologs.

Kinabukasan, suot ko na yung nasusunog na chucks. Medyo iba ang fit niya, kasi siguro, bago. Ano ba pakiramdam ng bagong chucks na orig? Di ko na maalala para maikumpara. Sa ngayon, pakiramdam ko, parang paa ni Donald Duck ang mga paa ko. MAsyadong flat ang yapak. Pakiramdam ko, masikip na maluwag ang sapatos.

Medyo mahirap ding gamiting pangmaneho dahil parang masyadong detached sa pedal ang pakiramdam sa paa. Nung nilakad ko na sa opisina, putsa, buong araw na naglalakad ako, masakit sa gilid. Yung maliit na daliri ko sa paa, parang natutulak, at parang bumabaon yung kuko sa katabing daliri. Punyeta, ito napapala ko dahil tamad akong mag-gupit ng kuko, pero sige. Hot naman e. Hehehe.

Lahat ng bumabati, sinasabi kong peke. Ano ba? Peke naman talaga. Mas may novelty nga e. Pero nakakapagtaka, walang buminyag sa sapatos ko. Wala man lang nag-offer. Tanga naman ako kung ako pa ang magpa-binyag di ba? Teka, masyadong mabigat na salita ang tanga, pero naman, kung ako pa ang mag-o-offer, nasira na ang shoe baptismal ritual! Nawala na ang point!

Dapat kasi, di ba, kapag may bago kang sapatos, mapapansin yun ng tropa o ng classmates, o ano, tapos puri na - "Aba! Bago sapatos a..." tapos habang kinikilig ka sa tuwa dahil napansin, biglang may sisigaw ng "PABINYAG NAMAN!!!" o kaya "BINYAGAN!!!" sabay apak. Madalas pa, dudumihan muna ng mga tao yung suwelas nila bago ka apakan. Tapos kung hindi chucks ang sapatos mo, susubukan mong ilagan yung binyag na apak, lalo na kung mahal kuha mo sa sapatos. Kung chucks naman, sa loob-loob mo natutuwa ka dahil ito ang unang step sa paglasapag ng chucks mo, at sabi ko nga, mas cool tingnan ang chucks kapag medyo laspag, di ba? Pero di mo papakita ang tuwa mo, dapat aarte ka na kunwari nabuburat ka, at kunwari iniiwasan mo sila. Ritual nga e. Pero sa tingin ko, sa mahal ng orig na chucks ngayon, baka matadyakan mo sa asar yung bibinyag sa bagong sapatos mo. Kaya siguro walang buminyag sa chucks ko. Akala nila orig.

Kaya ayun. Wala man lang buminyag sa nasusunog kong chucks, di ko na inoffer na binyagan nila. Sabi nga, masisira ang ritual. Masisira ang tradisyon. At may mga bagay sa mundo na dapat mapanatiling sagrado. Baka kapag nalaman pa ng mga ninuno ko na sinira ko ang tradisyon, dalawin pa ako sa mga bangungot ko.

Nung sumunod na araw, di ko muna sinuot yung naglalagablab na chucks. Pahinga muna sa paa. Pero naggupit na rin ako ng kuko sa paa nung gabi.

Sinuot ko ulit yung chucks pagkatapos nito. Medyo fit na. Okay na. Swak na swak na sa paa ko. Solb! Pero wala pa ring buminyag.

Umattend ako sa swapmeet ng mga collector ng Hotwheels at Matchbox, suot-suot ko. Hehehe, astig! Di masyadong napansin dahil sa dami ng tao, pero masaya na ako dahil di na masakit sa paa.

At nung gabi, sa reunion namin sa pinsan ko... dun nabinyagan ang chucks.

Ganito yun e. Pagdating namin sa bahay ng pinsan ko, wala sila sa sala. Baka raw nandun sa kuwarto, o sa opisina nila sa taas. So akyat ako. Tagal ko na ring di nakita si loka e.

Wala sa kuwarto, Okay, baka nag-i-internet sa opisina. Dumaan ako sa isang pinto sa kuwarto niya na tatagos sa opisina niya. Pagpasok ko, ayun, nandun siya, kasama yung boypren niya, at isa pang babae na kaklase nila siguro. Siyempre, medyo papogi pa ako dahil hot ang sapatos ko.

"Oi, ano balita?"

"Jol, naapakan mo ba yung tae?"

"HA!?"

Tinuro nila yung foot print na may tae sa sahig. Tiningnan ko yung paa ko, syet, as in literally, syet! May syet ang suwelas ng kaliwang chucks!

Saan ko kamo naapakan? Teka lang...

So napahiya ako siyempre di ba? Tangina naman, nasira poise e.

"Wag mong i-apak! Kakalat yan! Hubarin mo na lang?"

"Hindi na! KAkandirit na lang ako palabas!"

NAkangisi pa ako. Syet, kapag hot ang sapatos mo, dapat cool ka pa rin. Kahit may ebak kang naapakan. Oh yeah, cool...

"Kakandirit na lang ako! Malas na lang siguro ako kung naapakan ko pa yung..."

Splak.

Okay. Malas nga ako. Syet talaga. Syet ng aso niya. Puta naman, sino ba namang tao ang ganun ka-balahura na mag-iiwan ng tae ng aso sa labas mismo ng kuwarto niya? Lintek, yung kuwarto ko dati may mga daga sa kisame, may mga ipis sa basurahan, pero puta naman, di ako nagkaroon ng tae sa loob o sa paligid ng kuwarto ko.

"O wag kang pumasok sa kuwarto ko!"

"Ano ka ba? Tae ng aso mo yan e!"

"Hubarin mo muna sapatos mo!"

"Hay nako! Sige na! Dun ako sa banyo mo maghuhugas!"

"Wag! Dun ka baba!"

"Ano? TAe ng aso mo yan e! Dapat dun ako sa bathtub mo maglilinis! Ikaw amo e!"

"JOOOOOLLLL!!!"

"OO NA! OO NA!"

Habang bitbit yung pares ng chucks, dumaan ako sa kuwarto niya papunta sa banyo sa baba. Tempting nga na ibato ko sa dingding nga kuwarto niya yung mga sapatos. O kaya bigla akong "madapa" at matapon ko yung sapatos sa kama niya, o sa carpet, o sa tukador, o sa closet...

Kaso ang unang priority ko ay yung paglinis. Buwiset naman, wala pang isang linggo sa akin yung chucks, nabalahura na. At putsa, nasira ko rin ang tradisyon ng binyag.

Dun ako sa banyo sa baba naghugas ng sapatos. Buti na lang malakas ang tubig sa kanila. Tinapat ko na lang sa gripo yung suwelas. Wala akong brush. Putsa, dapat kinuha ko yung sipilyo niya bago ako bumaba. Ganun lang. Naka-squat ako sa gilid na parang timang, tinatapat sa gripo yung sapatos. Nung wala na, medyo nahiya ako nang konti at binuhus-buhusan ng tabo yung taeng bumara sa drainage.

Lumabas ako, nagpunta sa katabing kuwarto, at pinasakan ng rolyo-rolyo ng tissue paper yung loob ng chucks. Pagkatapos, medyo mamasa-masa pa, sinuot ko na rin.
Pagbalik ko sa sala, ayun, kinantyawan na ako ng mga utol ko. Hehe, wala yung pinsan ko, siguro nililinis yung taeng naipasok ko sa opisina. Hehe.

MAmayang konti, habang nakaupo, may naamoy akong maasim. Parang bagong labang damit na hindi naikula o naisampay nang maayos. Sinundan ko yung amoy... yung chucks kong basa. Syet, di ako puwedeng magdekwatro...

"Di ka kasi tumitingin sa dinadaanan mo e..."

"Sorry a. Kung alam ko lang na pinapatae mo sa loob ng bahay yang aso mo, mababantayan ko paglakad ko e..."

"Okay lang yan. Suwerte yan..."

"A ulul!"

Sarap ng kuwentuhan sa hapag kainan habang nagkakamay ng KFC.

Pag-uwi sa bahay, pinalabhan ko agad yung chucks.

Sa ngayon, medyo nadi-disappoint ako sa chucks na yun. Medyo bumubuka sa gilid yung suwelas, common problem naman ito kahit orig ang chucks mo, kaso eto, wala pang isang buwan, medyo buka na. Sa kaliwang sapatos naman, punit na yata.

Pero hot pa rin tingnan, siyempre. At isang araw, kapag di ako busy sa pag-isip kung paano magbenta ng load sa mga jologs, i-ra-rugby ko ito ng maayos.

Kahit peke itong chucks ko, okay pa rin. Lahat naman ng sapatos natin, may kanya-kanyang istorya. Itong chucks kong nasusunog, marami pa kaming adventures na pagsasamahan.

...at least hanggang sa mapudpod ang suwelas.

Tuesday, January 25, 2005

Nasusunog na Chucks part 1

Ang unang pares ko ng Chuck Taylor ay yung "conasaur" na nauso nung late '80s. Astig yun, may dinosaur na design sa paligid, tapos yung suwelas - may dino imprint din, kaya puwede kang mag-iwan ng dinosaur sa putikan! Di ko na alam kung saan napunta yung conasaur ko. Basta ang alam ko, nagkamali yung nagbigay sa akin nun dahil one size smaller yung sapatos, pero sinusuot ko pa rin. Hehe, pinoy ako e, mas importante ang porma kesa sa comfort.

Anyway, nung highschool na ako at nauso yung mga banda-banda, nag-punk naman ako nun. Bumili ako ng isang pares ng pulang chucks, ternong-terno sa itim na t-shirt at maong na may laslas sa tuhod. Mahal na mahal ko yung sapatos ko na yun, sinuot ko pa hanggang sa pagpasok ko sa Peyups, kaso nga lang, kung may weak spot, o kung gagamit tayo ng masamang pun - Achilles Heel, ang chucks, ito yung suwelas na madaling mapudpod.

Yep, chucks siguro ang "jeans" ng mga sapatos - mas maganda tingnan pag luma't gamit kesa kapag brand new. Kaya kahit na mabutas (o kung mabutas man) sa gilid, cool pa rin. Kahit magtampisaw ka sa baha, at di mo linisin pagkatapos, astig pa rin. Ito yung sapatos na ikaw pa ang magpapabinyag mismo sa mga tropa mo kasi nga, mas maganda pag rugged! Kaso yun nga lang, madaling mapudpod ang suwelas.

O siguro ako lang ang mabilis makapudpod. Mahilig kasi akong maglakad. Sarap maglakad kapag naka-chucks ka e. Lalo na pag malayo. Sasakit ang paa mo, pero ramdam na ramdam mo yung kalsada. Solid na solid. Nagiging isa kayo ng sapatos. Masarap ding gamitin kapag nagmamaneho kasi tama lang ang kapal ng suwelas para magamay mo yung pedal ng sasakyan.

Pero kapag napudpod ang suwelas, di mo na siguro papalitan. Mura lang kasi noon ang chucks. Konti na lang, puwede ka na bumili ng bago, tapos papabinyagan mo ulit sa tropa. Nung 1995, nasa 450p lang ang isang pares ng chucks. 2 linggo ko lang pinag-ipunan sa baon ko, nakabili na ako!

Kaya tuwang-tuwa ako nang mapasok ako sa opisina ko ngayon, kliyente namin ang Converse! Wala na yung pulang chucks ko ngayon. Dumaan na ako sa itim na pares, at ngayon, sa paa ko, kulay dark blue na chucks na isang taon ko nang nilalaspag. Ang presyo nito, nung makuha ko, nasa 600p na yata. May 2 maliit na bulsa sa gilid na puwedeng lagyan ng barya, o bubble gum, o condom, o tinupi-tuping suweldo para in case na maholdap ka (unless na mahilig din sa chucks yung holdaper).

Ngayon, di na bababa sa isang libo ang isang pares ng chucks. Di na raw kasi rito ginagawa yung chucks tulad dati, "US Made" na raw ngayon kaya mahal. Bad trip nga kasi maraming magagandang designs, at sa puntong ito ng buhay ko, nakita ko na yung design na, errr, "sole-mate" ng paa ko - isang pares ng high cut na chucks na kulay itim na may design na apoy!

Putaragis! Parang hot rod! Hot! Hot! Tipong, kahit na nakatayo lang ako, magmumukha na akong mabilis dahil, wow, nag-aapoy ang aking mga talampakan! Kahit na di ako makatakbo nang maayos dahil sa aking beer belly, parang mabilis pa ako sa lintik! Kahit na parehong kaliwa ang mga tanga kong paa sa pagsayaw, kapag sinuot ko yung nag-aapoy na chucks na yun, ako na ang hottest dancer kahit saan ako magpunta! Lintek, kapag maninipa ako ng mga tao, magmumukha na akong video game character na may "burning flying kick!" ASTIIIIGGGGGG!!!!

Tapos, nakita ko yung price tag, at nasunog ang aking mga pangarap.

Kaya nung mapasok ako sa opisina ko ngayon, lalo akong natuwa nung malaman kong may discount ang mga empleyado dahil sa Converse. Agad-agad akong nagsabi na kukuha ako ng isang pares ng itim na chucks na may flame design. Putsa, nanginginig-nginig pa ako nun sa excitement! Kaso, matapos ang ilang linggo, binitawan ng opisina ang kliyente. Hay buhay...

Sige na, naisip ko, bibili na ako nun sa labas kahit walang discount... pero wala na akong makita sa mga mall.

Friday, January 21, 2005

Online ulit! Welcome!

Okay, so nabuhay na ulit ako. Kung nagtataka kayo kung bakit di na updated yung http://canislupusfidelis.port5.com , well, nagkatrabaho na kasi ako, at wala akong time para i-update yung dati kong pseudo blog. Putsa, laging bagong layout yun sa dreamweaver kada update. At least dito, log-in lang, type, kapag nahuli ng boss, save draft muna. Tapos pag wala na ang boss, log-in ulit para i-post. Hehehe...

Dati kasi mas trips ko yung nako-customize ko yung "blog" ko. Marami pa kasi masyadong oras nun para mag-trip sa pc sa bahay, at nung time na yun, di pa ginagahasa ng spyware ang CPU ko.

Tapos napasok ako sa work, sa VIVA Films, sa creative department dun, at nawala bigla ang freetime ko. Yep. Minsan na lang ako makapagsulat, as in sulat na ako nasusunod, as opposed sa pagsusulat para sa kliyente. Huling beses na nakagawa ako ng essay ay yung KFC Chicken Fillet Sandwich piece ko na sinabmit ko sa peyups.com nang June o July 2004, pero lumabas nung October. Cool, daming nagsasubmit sa peyups.com!

Kaya eto. Kahit di ko ma-customize nang maayos ang template ko (tanga ako sa html. so there.) mas mahalaga sa akin ang makapag-post agad. Ang makapag-release. Bago ako mabaliw... lalo.

Balang araw, aayusin ko itong blog na ito, para ma-i-connect ulit sa pseudo blog ko. Wala akong plano na patayin yung dating pseudo blog nang ganun lang. Que sera sera.

So ayun. Welcome po ulit.