Sunday, February 26, 2006

Immortality sucks

Nung isang buwan, nag-desisyon akong sumali sa Diliman Motor Show ng UP Gears and Pinions club. Malayo pa naman sa show car condition ng beetle ko, kaya dun ako sumali sa scale model competition.

Bumili ako ng isang laruang beetle, at dalawang laruang kombi, at siningit sa matinding schedule ang ilang oras para mag-customize. Nagkakagulo na sa EDSA Shrine nung Feb 24, pero nasa labas ako ng bahay at nag-i-spray paint hanggang gabi.

At ngayon, nandito ako sa AS parking lot, sa gitna ng mga kotseng di ko kayang bilhin kahit na isang gulong. Nakaayos na ang mga entries ko sa mesang tinakpan ng glass case, at dito nagsimula ang mahabang proseso ng paghihintay. Hipokrito ako kung sinabi kong ayaw kong umasang manalo sa contest. May konting experience man ako sa pagbubuo at pagpipinta ng mga Gundam models, eto ang unang beses kong mag-customize ng laruang kotse.

Di na ako magliliwaliw pa sa motor show. Tapos na ang introduction.

Pagsapit ng bagong taon, na-realize kong halos isang dekada na mula nang pumasok ako bilang freshman sa UP Diliman. Sabi ko "halos" dahil kung magiging technical tayo, June 1996 nagsimula ang buhay ko sa UP.

So eto, nitong mga nakaraang araw, sa mga maliliit na pagkakataong makahinga ang aking kamalayan sa kangaragan ng pagbebenta ng cellphone load sa mga jologs, gusto kong bisitahin ulit ang Diliman. Hindi lang dahil sa motorshow.

May mga weekends na nagpupunta kaming Diliman para magbisikleta kasama ng mga bata, pero iba 'yun, siyempre. Isang normal na araw sana na may pasok, ito ang gusto kong bisitahin.

At fast-forward na tayo ngayon, habang naghihintay sa resulta ng contest, at matapos i-text lahat ng mga kabarkada ko para dumaan man lang at magbigay ng suporta (na di man lang ako pinaunlakan, mga hayup!), naisip kong dumaan muna at bumisita sa tambayan ng dati kong org. Okay, Sabado ngayon, hindi normal school day, pero sa schedule ko sa trabaho, beggars can't be choosers.

Tinahak ko mula tapat ng AS steps papuntang Faculty Center, nag-re-reminisce. Nagulat na lang ako sa redesigned na FC walk. Pati yung mala-pagodang bubong na nag-ko-konekta sa dalawang building. Dito na sumipa ang lungkot.

Mahirap ipaliwanag. Sabi nga sa isang creative talk namin sa opisina - "It's the same, but different." Ito pa rin ang lugar na pinilahan ko nun nung kuhaan ng classcard, yung pinagtayuan namin ng booth para sa fundraising ng org, yung tambayan namin pag hapon habang kumakain ng banana-q, pero iba na.

Siguro kasi hindi na ako student dito. Siguro kasi 'di na ako bahagi ng UP system. Ewan.

Pumasok ako sa FC, may mga estudyanteng nakaupo sa sahig, sa mga corridors, tulad din namin dati - grupo, nagpaplano ng project. Same scenario, different people. Hindi na sila yung crowd na nakagawian ko na sa mga taong tumatakbo-takbo ako sa FC para maghabol ng deadline sa papers. Wala na ang mga mukhang pamilyar.

Dumaan ako sa tambayan, at ayun, di ko na kilala yung 2 taong nakaupo dun, at di rin nila ako kilala. Tinahak ko yung parking lot pabalik sa FC walk.

Sa ibabaw ko, Diliman afternoon. Paano ko ba ipapaliwanag... may mga bagay kasi na napaka-distinct. Parang yung mga hangin ng Laguna pag tanghaling-tapat - may distinct na texture, amoy, tunog... Dito, sa FC, pag hapon, ganun din. Yung pagtama ng sunlight sa mga dahon ng puno sa palibot ng FC at AS, yung kaluskos ng hanging amoy bagong-lutong fishballs ni Mang Mer - kulang na lang yung mga ka-batch kong tao sa paligid - isang grupong anonymous pero kilala mo.

Yun siguro ang problema ko ngayon, mukhang 1996 lahat pero hindi. Isa na akong outsider sa dati kong mundo.

Tumigil ako sa ilalim ng mala-pagodang bubong ng FC walk. Nakatingala sa translucent na bubong na plastik, nag-i-indulge sa deja vu. Para akong timang.

Naisip ko tuloy, yung mga tumatagal ng sampung taon sa UP pero estudyante pa rin, ano pakiramdam nun? Yung makikita mong isa-isang nauubos yung ka-batch mo, tapos mapapaligiran ka ng mga bagong mukha? O tumatanda lang ba talaga ako?

Ganito kaya pakiramdam ng mga multo? Simultaneous kang detached at attached sa (dating) mundo mo? Siguro nga. Pakiramdam ko, mula nang sinimulan ko itong paglalakad na'to, para akong multo.

Multo ng isang estudyante nung 1996 na naghahanap kung saan ba talaga ang kuwartong "TBA."

Dumiretso ako sa AS lobby, kumaliwa palabas sa AS steps, at sa kalsada sa tapat, parang nakita ko sa isang iglap yung dating road painting ng mga babaeng anime characters na nakapinta ilang taon bago pa naging bakya ang anime.

Buntong-hininga.

Okay sana kung may kasama akong ka-tropa. Okay sana kung may nakasalubong akong pamilyar na mukha, kahit na di ko kakilala. At least sana, napagbigyan yung ilusyon kong kasali pa ako rito, kaso, wow, men,napapaligiran ako ng mga estudyanteng nakatambay pero mag-isang-mag-isa ako.

At kumagat na ang dilim - muli, isang napaka-distinct na karimlang nilunod ng kumakalabog na bass mula sa speakers ng motorshow.




Nanalo nga pala yung customized beetle ko, at yung isang customized na kombi ng first prize pareho sa contest.

4 Comments:

Blogger lizardego said...

congrats sa multo.

5:36 PM  
Blogger third said...

Congrats chief!

6:55 AM  
Blogger jjjoke said...

loks yung covered walk frm as to fc, ang joke nga namin dun e lalagyan ng merry-go-round!
saka pag may exam k, tayo k sa ilalim nun, tatalino ka, kasi shaped sya n parang pyramid ni ernie baron!

sori talaga di ako nakapunta, dami hinahapit. congrats ulit, at kung may gimik oks n ako ngayon, basta wag weekdays :D natapos ko n mga naipit dahil sa edsa kaguluhan n yan.

tama, mag 10th b-day na tyo sa org natin., pero hindi n ko dadaan dun kaya sa ibang lugar n lang tayo kitakita kung sakali.

2:00 PM  
Blogger Ederic said...

parang yung isinulat ko dati sa peyups: narito... pero hindi tagarito.

congrats pala!

5:01 AM  

Post a Comment

<< Home