Friday, May 26, 2006

'D Sucky Ones

Sige, alam ko late na itong post na ito, halos isang buwan na, pero sige, pagkatapos ng ilang linggo ng pagbebenta ng prepaid cards, ibubuhos ko na ang isang namumuong pagkamuhi sa loob ko, at ang pagkamuhing ito ay ang pelikulang D' Lucky Ones.

Okay, last month, nagpunta kaming Cagayan De Oro para sa isang event. Oks yung lugar. Walang trapik, maraming toys, relax ang mga tao, mura ang mga bilihin lalo na yung mga makakain. Since sa Lim Ket Kai Mall ang event namin, nagliwaliw kami ng isang kasama ko, nakita namin yung sinehan, 55 pesos lang ang tiket. Kaya nahikayat kaming manood ng "D' Lucky Ones."

Actually, plano-plano na rin namin e. Napanood ko yung trailer, mukhang nakakatawa naman. 'Di na natin i-me-mention ang kalidad ng talento sa pag-arte ni Sandara Park, redundant na yun, at obvious na. Pero tutal, comedy naman ang pelikulang ito, baka makatulong pa ang kalidad ng pag-arte ni Sandara sa overall hilarity ng film. So bad it's good, 'ika nga ng boss ko.

Kung hindi ako nagkakamali, ang huling pelikulang Pinoy na pinanood ko sa sine bago ang "'D Lucky Ones" ay "Booba." Medyo cautious pa 'yun. Kinuwento ng orgmate ko dati na nakakatawa talaga yung movie, at 'di typical Pinoy film. So nanood kami, hehehe, okay nga. Nandun na, may first step na. May break na sa formula! Tapos napanood ko sa opisina yung VCD ng kasama ko - Bikini Open, at ayun, meron na! Tumataas na! Nakakatawa na talaga! Bago na yung jokes!

So eto ngayon, napanood ko yung trailer ng "D Lucky Ones" at mukhang masaya naman. Fast-forward sa hapong ito, sa isang mall sa CDO, nagbabayad na kami ng tiket.

At umulan ng disappointment.

Ang premise ng movie - dalawang die-hard fans ni Vilma na nagkasundong ipakakasal ang mga anak nila sa isa't-isa. So obvious nang magrerely ang humor ng movie sa pag-quote sa films ni Ate Vi - at ito ang problema, sa unang 30 minutes ng movie, galgal na agad.

Sinusumpa ko na sa sarili kong hinding-hindi na ako manonood ng kahit anong gawa ng Star Cinema. May reason naman siguro kung bakit naging number na ngayon ang Channel 7, eh? (Kung Star Cinema yung gumawa nung Bikini Open, what the hell happened!?)

Maganda na sana ang premise. Meron na. Ang problema, siniksik nila yung magandang premise sa gasgas na formula ng isang Pinoy comedy film na mas matanda pa kina Tito, Vic, and Joey. 2006 na ngayon, at sobrang 1980's ng structure ng pelikula - hanggang sa Song and Dance number sa ending kasama si Ate Vi. Yeah, sinabi ko na yung ending, hindi naman spoiler e. Predictable na ito rin ang patutunguhan ng pelikula, at ang surprise na lang namin, hindi kami makapaniwalang ito nga ang pinatunguhan ng ending.

Okay, baka mataas masyado ang expectations ko sa isang light comedy (o heavy disaster), pero sige, ano ba ang kulang?

1) isang matino at mas masinsing storyline - yep. Sabi nga ng kasama ko, at inuulit-ulit niya, hanggang gabi, masyadong maluwag ang storyline. Ang daming butas, ang daming story arcs na nakakagulo lang sa main story at hindi naman kailangan. Tulad na lang kunwari nung lalaking love interest nina Pokwang at Eugene Domingo - isang love triangle na wala namang katuturan.

2) character development - Si Sandara, galing Korea, si Bitangcol, nagpapaupa ng bahay, Si Eugene Domingo at si Pokwang, Vilmanians - wheeee! Eto na yun, budburan na natin nga mga gasgas na jokes, sigawan, solb na! Ponyeta! Idagdag pa natin yung lalaking love interest nina Pokwang na ni hindi ko maalala ang pangalan dahil napakawalang character. Imposible ba magkaroon ng less than one-dimensional na character? Congrats! May breakthrough ang "D Lucky Ones!" Isama pa natin yung barkada ni Bitangcol na stereotypical airhead kids. Character backgrounds? Bukod sa nabanggit ko, wala.

3) silence - bakit ba sa lahaaaaaaat ng pelikulang Pinoy, kailangang maging maingay? kailangang maging OA? Unang 30 minutes pa lang ng pelikula, tinalo na ng "D Lucky Ones" yung mga tibak na nakikipag-basagan ng mukha sa mga Pulis sa Mendiola sa noise level. Si Eugene Domingo, napapanood ko dati sa mga plays sa UP, at magaling siyang stage actress. Di ko alam kung bakit naging OA na masyado sa movie. Curse ng Pinoy comedy?

4) cinematography - isang testament ng sloppiness ng movie - maraming half-circle shots, as in, lahat sila, nakaharap sa camera, nakatayo nang half-circle, parang nagpapapicture. Tapos, may scene pa dun na ini-interogate nina Pokwang at Eugene Domingo si Bitangcol - nakaupo sa silya habang umiikot-ikot yung bombilyang nakasabit sa ceiling. Supposedly, parang typical interogation scene ito, ang problema, tanghaling tapat sa labas, nakabukas ang mga bintana, at sa sobrang liwanag ng kuwarto, wala nang sense at na-defeat ang purpose ng scene. At check nyo yung bombilyang nakasabit na gumagalaw, umiikot-ikot, at biglang tumitigil between cuts. Nice editing job.

Although meron namang mga nakakatawang moments sa pelikula, at karamihan dito, sinaksak nila sa trailer.

Conclusion? Maganda sana ang premise ng "D Lucky Ones." Ridiculous yung premise e, na mabuti para sa isang comedy. Kaso, sabi ko nga kanina, sinaksak pilit ang story sa formula at pinataba pa lalo ng mga ka-letche-han. Sino makaka-appreciate nito? Yung mga die-hard Vilmanians, obviously, pero pag nagsawa ka sa Vilma jokes, at dito nag-rely masyado ang humor ng movie, wala ka nang mapupulot.

Putangina... song and dance number?

Monday, May 01, 2006

ragnarok

Itong mga nakaraang buwan, palabo na nang palabo ang utak ko. Sinusukat ko ang oras sa pamamagitan ng deadlines at requirements sa trabaho. Understatement ng taon kung sabihing dehumanized na ako.

Pero oks lang, nitong Friday, nagpakalunod ako sa beer kasama ang ilang officemates at acquaintances sa isang bar na malapit sa opisina. Beggars can't be choosers. Sasabihin ko na ngayon, hindi ako komportable uminom sa bar. Masyadong... metrosexual ang venue. Sanay kasi akong uminom sa tambayan ng org, o sa Gulod, o sa bahay ng isang kabarkada. Pero oks lang, oks naman ang company, yung venue lang ang parang hindi tama. Salamat sa beer. Salamat sa beer, nag-reset na ulit ang sistema ko. Parang taksing bagong oil change. Kailangan kong mag-reset, kailangang mag-clear ang utak.

May bagyong darating.

Hindi, hindi yung literal na bagyo. Putsa, kung may darating man, sasalubungin ko ito ng mga brasong hapding-hapdi sa malupit na summer.

Kanina, tumambay ako sa Diliman. Tinawagan ko si Bopis, at tinawagan niya si Tamadita. Mga dating blockmates. Ilang buwan ko man silang di makita, o di makausap, okay pa rin pag nagkita-kita. Walang nawawala. Solid. Kailangan ko ng support group.

At suporta, ito ang kailangan ko ngayon. Suportang di mabibigay ng gf. Suportang di mabibigay ng ka-opisina. Suportang di mabibigay ng mga magulang. Suportang di mabibigay ng kabarkada.

Di naman literal na suportang himas sa balikat habang umiiyak, hindi ganun. Minsan, yung presence na lang sa tabi, yung kuwentuhang kalokohan, solb na. Affirmation ba? Siguro. Affirmation, hindi suporta.

Sa kaso ko ngayon, walang susuporta sa akin.

Kanina, habang naghihintay ako sa Diliman, nag0ki-clear out ako ng kamalayang naging bodega na ng deadlines at JO. Naglakad-lakad ako sa Acad Oval, sa ilalim ng mga Acacia, nag-re-reminisce, nag-iisip.

Ito ang katahimikang nakakabingi ang ugong, ilang segundo bago ang pagbulwak ng bagyo.

At yung bagyo? Siguro ito na yung hinihintay ko buong buhay ko. Isang malaking gulo, isang malaking krisis. Yung dahilan ng ilang libong survival sa ilang libong kaangasan. Ang bagyong pinaghahandaan habang pinagdarasal na huwag dumating.

Tapos, lahat-lahat bumalik - mga dating self-doubts, mga dating insecurities.

Sampung taon na mula nang una akong tumungtong sa Diliman. Nung 1996, pinili kong mag-aral ng Creative Writing sa UP kesa mag-aral ng Psychology sa UST. Ngayon, isang dekada na, kung di ako naging writer, doktor na ako ngayon. Mas maayos siguro ang buhay ko. Wala sigurong bagyo.

Sinisisi ko ulit ang sarili ko at lahat ng maling desisyong ginawa ko.

Sabi nila, ang problema raw ay nagbubuo ng character. Ilang beses akong nag-survive, sapat na kaya ang naipong kalyo ng character para sa hinaharap ko ngayon?

Naglalakad ako sa Acad Oval, nakatingala sa mga sangang parang picture frame ng langit na di nagbago mula 1996. Tahimik na hine-hele ng hangin ang hapon, nangangakong maganda ang araw bukas, pero ang nakikita ko, mga araw na walang laman.

Dumating si Bopis, inabot ang libro niyang ako nagdisenyo ng pabalat, at isang paperback tungkol sa VW. Matapos ang ilang sandali, sumunod si Tamadita. Napuno ang dapithapon ng kuwentuhang komiks at graphic novels. Academic tsismis ang laman ng gabi sa Mang Jimmy's.

Mga milagrong nagagawa ng isang hapong kasama ang mga kaibigan.

Expect the worst, hope for the best. Sa presipitasyon ng bagyo - paggunaw ng mundo ko, pagbagsak mula sa grasya - isang payong ng optimism na nagbibigay ng konting comfort.

Sorry po sa lahat. Dapat ngayon matibay na ako. Wala akong choice. Sorry po sa lahat.

sabi nga ni Carlos Bulosan -

aim carefully, guns upward.
do not falter now.

falling from the burning sky,
star upon dissolving star.

the fingers in the waters moving,
now the night must fall with blood.


Gudlak, wolf.