Sunday, October 04, 2009

Nakapanlulumo Pt. 1



I.

Nagising ako nang tumunog ang cellphone ko. Nasa kabilang linya ang PA, nasa tapat daw siya ng gate dala ang CD ng project sa opisina.

Late na ako nakauwi nung Friday. At ngayong umaga, kailangang ma-view ko ang file sa CD kasi may telecon kami ng mga ka-opisina ko mamayang tanghali. Crucial. Dapat nga, magkikita pa yata sa Makati, kaso pagod na kaming lahat sa project na’to. Kaya eto, dineliver ang CD.

Umaambon paglabas ko. May bagyo raw. Napagkuwentuhan kagabi na ‘yung ibang shoot sa office, na-move ang sked dahil sa bagyo. Panahon ngayon ng bagyo. Oks lang.
Mataas naman kasi itong lugar namin sa Marikina. Mula nang lumipat kami rito, ‘di kami binaha. ‘Yung main road sa dalawang gate ng village, lumulubog hanggang sakong, minsan hanggang tuhod, pero ang kalsada namin, wala. 2-3 months ago, nagbaha sa labas. Umapaw ang estero, pumantay sa kalsada. Pero gumapang lang hanggang sa bukana ng gate namin ang tubig. Kahit kalian, ‘di kami namroblema sa baha.

Sa bukana nga ng kalsada namin, naghuhukay ang City Engineering. Pinapalitan ‘yung sewer system kaya may naka-balandra sa tapat ng bahay naming malalaking sementong tubo. ‘Di ko alam tawag dun, kung i-de-describe ko siya, o ikukumpara sa ibang bagay, ang unang papasok sa utak ko, rollers. Pero gray na semento, hindi pink na plastic. Nung bata pa kasi ako, rollers ng nanay ko ginagamit kong props kapag naglalaro ako ng matchbox na kotse tapos kunwari may construction area ako.
‘Di ko alam kung itong paghuhukay na’to, reaction dun sa huling baha sa labas namin. Definitely daw, ‘di na magbabaha sa main road.

Kailangang umalis ni Son, kapatid ko. Hinatid siya sa sakayan ng parents ko, dala nila ‘yung Chevy. Dapat ako ang maghhatid nun, kaso sabi ko naghihintay ako ng telecom. Nakabukas sa dining table ‘yung laptop ko habang nag-a-almusal kami, pinag-aaralan ko ‘yung file ng project.

Walang tigil ang ulan sa pagtapik sa bubungan namin. Inaantok pa ako. Isang linggong pagsisipag sa trabaho, sarap bawiin ang tulog sa weekend morning na maulan.

Umalis na ang parents ko. Sinarado ko na ang laptop.
Nakipagpalitan ng text sa officemates. Wala pa silang kopya ng CD nila.

Pinatay ko ang oras sa internet.



II.

Nakatayo ako sa labas ng bahay, nakasilip sa kalsada. Umapaw ulit ang mga estero’t pumantay sa aspalto. Sa bubungan ng bahay, parang static sa radio ang tunog ng mabibilis na pagtapik ng ulan. Wala pang text kung ano oras magsisimula ang telecon. Wala pa rin ang mga magulang ko. Gumagapang na ang tubig sa tapat ng gate namin.

Hindi na kita ang kalsada sa labas. Nagsimula nang umuwi ang mga batang naglalaro kanina sa ibabaw ng mga konkretong “rollers” sa tapat ng bahay namin. Sa mga taong nagmamadaling umuwi, napansin kong hanggang binti na ang tubig sa labas. Nakakuha ng text ang utol kong si Cid. Pinarada na raw ng parents ko ‘yung kotse sa grocery malapit sa amin. Mas mataas kasing lugar ‘yun, tsaka lubog na raw ang main road namin. Baka magloko ‘yung kotse ‘pag sinulong sa baha. Maya-maya, nakita na namin sila - sumusulong sa bahang aabot na sa tuhod. Gumapang na rin ang tubig sa loob ng gate, pero mababa pa rin naman.

Pagpasok nila sa garahe, agad hinubad ng tatay ko ang sapatos at medyas, pati t-shirt na nabasa ng ulan. Pinatong niya ito sa isang plastic na upuan sa garahe. Tumayo siya ulit para tingnan ang kalsada. Pumasok si nanay sa loob ng bahay na puno ng ingay ng mga pamangkin kong nanonood ng Spongebob. Gumapang na ang tubig sa loob ng garahe. Pantay na ng tsinelas ko.

Natawa pa kami. Ngayon lang nangyari ito. Maya-mayang konti, tumaas ulit ang tubig. Lampas na sa tsinelas ko. Baha na sa garahe, pero mababaw lang. ‘Di pa naman aabot sa loob ng bahay. Medyo humina ang ulan. Huhupa na siguro, naisip ko.

Pagpasok ko sa loob, may text na. Magsisimula na ang telecon. Nag-dial na ako, trabaho na.
Binuksan ko ang laptop, binuksan ang file, naghanda ng comments na ibabato. Pinapasok ko ‘yung mga pamangkin ko sa kuwarto nila para dun ituloy ang cartoons.

Sa labas, nagsisimula na ang pagmumura. Tumataas na ang tubig. Nagkaroon ng gulo.
Tumayo ako, bitbit ang landline. Binaba ko ang laptop sa mesa. Sinilip ko ang pintuan sa sala. Nabunot ang telepono. Nakita kong gumagapang na ang tubig mula sa lunod nang garahe. Binaba ko ang telepono sa mesa, tumakbo ako para kumuha ng basahan pero nadulas ako sa sahig. Naramdaman kong kumirot ang kanang tuhod ko. Nahirapan akong tumayo. Malamig ang sahig, basa. Umabot na sa akin ang tubig. Umupo ako agad, nakita kong nalapnos ang balat ko sa tuhod. Kinuha ko agad ang cellphone ko, nag-text sa mga kasama. Sinisimulan nang iangat ng tatay at ng utol ko ‘yung mga kahon-kahong libro at CD sa unahan ng sala.

Nangongolekta kasi si tatay ng mga libro. Art books, trade books, pocket books. Mga malalaki’t mamahaling libro ng mga sikat na artists, mga anthology ng literature, mga libro ng poetry. Lahat ito, nasa kahong patong-patong kasama ng CD at DVD collection niya – mga collection na reference at inspiration ng creativity.

Nagsimula na rin akong magbuhat. Nilagay naming lahat ‘yun sa medyo mataas na hallway naming papunta sa mga kuwarto. Napansin ko agad na papalapit na ‘yung tubig sa extension cord ng PC. Binunot ko agad ang plug.

Dito na nagsimulang maging magulo. Pilit naming tinataas ‘yung ibang gamit kahit saan. May mga painting ang tatay ko na tinakbo ko sa kuwarto, mga libro’t mga kahong pinatong sa sofa.

Sa labas, nagharang si Cid ng malaking plywood sa pinto ng sala para makontrol ang pasok ng tubig. Hanggang sakong na ang tubig sa sala, hanggang tuhod na sa labas. Kinuha ko ang laptop ko, tinakbo ko sa kuwarto ng parents, pinatong sa tokador ni nanay.

Hindi pa rin tumitigil ang ulan.

Sa garahe, nagsisi-lutangan na ang mga lata ng pintura ng tatay ko mula sa shelf. Lumabas na ako para subukang mag-angat ng gamit sa garahe. Naka-shorts na lang ako nun. Mahirap nang tumagal nang may basang kamiseta sa ilalim ng ulan. Patuloy ang pagtaas ng tubig. Sa loob, narinig ko ang mga sigaw ng mga tao- “’Yung kuryente! Patayin ang Kuryente!” “Itaas ito dun! Bilis!” Hanggang hita na ang tubig sa garahe.

Nagharang na rin sila ng plywood sa pinto sa kusina. Mas mababa nang konti ang baha sa loob. Nakita ko ‘yung plywood sa pinto sa sala, bumibigay na sa pressure ng tubig. Tinawag ko agad si Cid. Pinasarado ko ‘yung mabigat na sliding door. Kala ko okay na ‘yun.

Hindi pa rin tumitigil ang ulan. Ilang minuto pa lang ang nakalipas mula nung madulas ako at malapnos ang tuhod ko. Ilang minuto pa lang ang nakalipas mula nang gumapang ang tubig sa sala hanggang sa umabot na ito sa hita.

At hindi pa rin tumitigil ang ulan.

Inangat ko ang mga washing machine na nagsimula nang maglutangan sa garahe, tapos pinatong ko sa bakal na mesa sa tabi. Alam kong pinapasok na ng tubig ‘yung nakaparada kong VW, pero ayoko nang isipin ‘yun. Tumataas pa rin ang tubig. Pumasok na ako sa loob ng bahay.

Umabot na ang baha sa hallway. Basa na ang mga kahong pinatong namin dun. Sa labas ng bintana, kitang lalong tumaas ang tubig. Dito bumalot ang takot sa akin, mas malamig pa sa basang t-shirt sa ilalim ng bagyo. Patay na, naisip ko. Wala na.

Tumakbo ako papunta sa pinto ng kusina. Nakita kong bibigay na ang plywood na harang.

At sa puntong ito, parang slow motion lahat. Lahat ng detalyeng hindi ko makakalimutan, lahat ng sandaling babalik-balikan ako sa kalaliman ng mga bangungot ko.

B ago ko masara ang pinto, biglang nabiyak ang plywood.

Bumuhos ang malakas na agos ng malamig at madilim na tubig baha dala ang plywood, ang bangko, at mga timba’t batya sa labas.

Sa loob ng ilang segundo, mula hita, umabot sa baywang ang tubig. Pinilit kong itulak ang pinto para maisara, pero madulas ang sahig, wala akong buwelo. Tumulong na si Cid sa pagsara, at dumilim na sa loob ng bahay.

Naririnig ko na ngayon ‘yung mga sigaw ng mga tao. Hanggang bewang ang tubig sa sala at kusina, hanggang hita naman sa mga kuwarto. Bungalow ang bahay namin, walang second floor. Nagsisimula nang pumasok ang tubig sa mga bintana.

Lumutang bigla ang mesitang patungan ng rice cooker at gamit pang-kusina. Lumutang din ang mga tangke ng LPG. Inangat namin ito ni Cid, pinatong sa counter ng kusina. Lumutang na rin ang ilang plastic na estante at nagkalat ng gamit sa baha.

Lumabas ng kuwarto si Ate Becca, maid namin, may dalang bag na puno ng gamit at damit ng pamangkin kong magtu-2 years old pa lang. Kailangan na raw naming umakyat sa bubong.

Muli, nanlamig ako sa takot. Trapped kami sa loob ng bahay. Hindi tumitigil ang ulan. Hindi humuhupa ang tubig. Pumapasok na ang baha sa bintana.

At ayaw gumana ng seradura ng pinto.



III.

Lumang seradura ang pinto sa kusina. Hindi ito ‘yung modern na doorknob. Hindi ko alam tawag dito, pero ito ‘yung bronze na bakal na bloke sa loob, tapos may pihitang oblong ang hugis. Sa labas, saksakan lang ng susi.

Kahit anong gawin ko, ayaw umikot ng pihitan. Tinaas-baba ko ang lock, pero ayaw pa rin. Na-realize ko na siguro, ‘yung pressure ng tubig sa labas na nagtutulak sa pinto – ito ‘yung dahilan kung bakit ayaw gumana ng lock, kung bakit ayaw pumihit. Naiipit kasi ‘yung “ngipin” sa butas.

Napansin ko bigla, exposed ang tornilyo ng seradura. Suwerte na lang na lumutang at kumalat ang toolbox sa tabi ko. Kumuha ako ng dalawang screwdriver, parehong “flat.”

Ang butas ng tornilyo, ekis. Putangina.

‘Di ko makita ang screwdriver na ekis.

May tatlong bata sa bahay, mga pamangkin ko. Ang eldest, 8-9 years na yata, ang youngest, magtu-2 years old pa lang.

Nandito ako, si Cid, at si Vane, sister ko. Si tatay, si nanay, at si Ate Becca.

Pina-ayos na ang mga gamit ng mga bata. Pinapabukas na ang pinto.

‘Yung sliding door sa sala, mabigat at ‘di mabuksan lalo na’t walang puwersa ang paa sa madulas na sahig.

Lahat ng bintana, may grill.

Ang exit, eto, sa harap ko.

Ang namamagitan lang ay ekis na tornilyo at ang hawak ko, flat na distilyador.

Putangina. Putangina. Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Pilit kong sinaksak ang distilyador sa tornilyo. Ayaw kumagat. Laging dumudulas.

Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Parang komedi.

Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Nandun pa rin ang takot. Nanginginig ang tuhod ko sa lamig at takot. Nawawalan na ako ng lakas sa sobrang kaba.

Pero

Putanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputanginaputangina.

Nagalit ako.

‘Yung ulan. ‘Yung baha. ‘Yung lintik na project na ‘di matapos-tapos.

PUTANGINA!

Nakita ko ‘yung ngipin ng lock na nakasaksak sa butas. Malakas ang pressure ng tubig sa labas tinutulak ang pinto papasok. Dahil sa pressure, ‘di mapihit ang lock, ‘di magalaw ang ngipin.

Sinaksak ko ‘yung ngipin ng distilyador. Flat ang distilyador kaya swak sa awang ng lock. Sinaksak ko sa ngipin, sabay tulak. Bumigay. Kaya nang pihitin ang lock.

Sinigaw kong bubuksan ko na ang pinto, at maghanda na lahat. Pagbukas ko ng pinto, tinulak kami ng rumaragasang baha.

IV.

Nanlumo ako paglabas. Lampas tiyan na ang tubig. Aabot na sa dibdib. Lubog ang VW hanggang hood. Kailangan naming umakyat sa bubong. Walang ibang choice.

Umakyat ako sa bubong ng VW. Nagpa-abot ako ng mesita at binalanse sa roofrack. Nabiyak ang kahoy sa roofrack. Binalanse ko na sa bubong mismo.

Unang umakyat si Ate Becca. Sinunod namin ang mga gamit ng bata at mga payong. Sinunod namin ang sister ko, ‘yung youngest pamangkin, si nanay, mga damit at gamit, laptop namin ni tatay, cellphones, si tatay, ako, at huli si Cid.

Bawat apak, lumulubog at nayuyupi ang bubong ng VW. Nagso-sorry ako sa VW.
At nagpapasalamat.

Abot dibdib na nun ang tubig.

Ginamit naming tent ang car cover ng VW. Nasa loob ng tent ang mga bata at mga babae. Kami ni Cid at ni tatay, sa labas. Napunit ang shorts ko pag-akyat. Duna ko nagpalit ng pantalon sa taas.

Bumalik ulit ang takot.

Kung itong lugar naming mataas na, at ‘di dapat binabaha e abot-tao na ang tubig, paano pa kaya sa lugar ni Cci?

Dapat ngayon may lakad kami. Dapat magkasama kami. Manonood kami ng sine dapat. O tatambay sa mall. ‘Di dapat bumaha nang ganito.

Nanlulumo ako sa kaba at takot. Nanlulumo ako dahil wala akong magawa.

Pumasok ako sa tent, hinanap ang phone ko. Malapit nang ma-lowbatt. At naiwan ang charger sa bag ko.

At ang bag ko, nasa sahig ng kuwarto ko.

Putangina.

Mahirap tumawag. Nag-text ako, ewan kung nakarating. Sinubukan ko tawagan ang landline nila, kapatid niya ang nakasagot. Nasa second floor na raw si Cci. Pumasok din ang baha sa sala nila. Tinanong ko sa kanya ang rescue number sa Marikina, at nagpasalamat.

‘Di rin gumagana ang rescue number.

Sa labas, tahimik lang si tatay. Si Cid, nakasilip sa ibaba. Mataas na ang tubig. Lampas-tao na sa kalsada. Hindi na kita ang malalaking konkretong “rollers” sa tapat ng bahay namin.
Tuktok na lang ng gate ang kita.

Kumirot ulit ang tuhod ko. Bawat galaw ng binti ko, gumagasgas ang pantalong maong sa nalapnos na balat. Si Cid, nahiwa ang talampakan kanina.

Malamig ang hangin, humihina ang ulan, pero tumataas ang tubig.

Ngayon, ano na?

Nandito kami sa bubong. Akala ko sa TV ko lang nakikita. Binabaha rin kami dati madalas noon, pero hindi ganito kataas.

30 minutes lang, tapos ayun, lahat ng gamit namin wala na.

‘Di kami makatawag sa rescue. Mahirap ang signal, baka makatawag kami sa mga kamag-anak, pero ano magagawa nila?

Sa malayo, naririnig namin ang paos na iyak ng isang aso.
Sa kalsada namin may warehouse na aso lang ang bantay. Siguro nakatali o nakakulong. Siguro naiwan.

Umiiyak ‘yung aso. Narinig na namin lahat ng tunog na ginagawa ng aso – kapag masaya, kapag galit, kapag malungkot.

Ito ang tunog ng asong malapit nang mamatay.

Naalala ni tatay ‘yung alaga naming pusa. ‘Di namin makita kanina nung inaakyat ‘yung “essentials” sa bubong. Nagsimula siyang manalangin.

Humihina na ang takot na hiyaw ng aso. Parang nasasakal sa kadena.

Pumapatak ang ulan sa bubong ng binahang bahay.

Malakas ang agos ng baha sa kalsada.

Tumigil sa pag-iyak ang aso.

At nanaig ang katahimikang parang kutsilyong gumuguhit sa gulugod.

Ang naririnig lang namin, agos ng madidilim na tubig at ang hirap na pagsinghap ng pag-asa.

Ano na ngayon?

0 Comments:

Post a Comment

<< Home