Wednesday, October 07, 2009

Nakapanlulumo Pt. 2

v.

Mula sa taas ng bubong, kitang-kita ang lakas ng agos ng baha sa kalsada. Tumaas ang tubig, ‘di na kita ang tuktok ng “rollers” sa tapat ng bahay.

Kaharap ng bahay naming ang limang units ng apartment na sarado na. Dito naka-hilera ang mga “rollers.” Sa unang unit, may naka-paskil na campaign sign. Last month kasi, nagkaroon ng plebiscite ang city hall. Hahatiin ba ang baranggay namin o hinde? Nagkalat ng hand-made posters ang baranggay hall, tutol sa paghahati, siyempre. Itong poster na tinitingnan ko, ang nakasulat “Paghahati o Pagkakaisa? NO tayo!” Nakadikit ito sa saradong tindahan ng unit 1. Mataas naman ang pagkakadikit para kita ng lahat. Itong poster na’to ang ginagamit kong sukatan ng pagtaas ng tubig visually.

Sa ngayon, may 3-4 inches yata bago abutin ng tubig ang ilalim nito. Malalim nga.
Maya’t-maya, sinisilip ko ‘yung poster, gauge kung tumaas o bumaba ang tubig. Sa current trend, pataas.

Ginamit naming “tent” ang car cover ng VW. Sa loob, nakabukas ang mga payong na nagsisilbing tungkod ng fabric. Nandito ang mga bata, si nanay, sister ko, at si Ate Becca.
Kaming mga lalaki, nasa labas, nakasandal sa dingding ng second floor ng kapitbahay. Bumubugso-bugso ang ambon. Paalala namin lagi sa isa’t-isa, dun maglakad sa linya ng rivet ng yero para siguradong sa frame naka-apak.

Nanlulumong nakaupo si tatay. Ngayon ko lang siya nakitang ganito, sa buong buhay ko.
Si Cid, tahimik lang din.

Tahimik kami, pero iisa ang panalangin. Bumabalasa sa dibdib ang kaba, pasasalamat ng survival, uncertainty, at pag-asa. Pumapalo ang hangin sa likod naming walang saplot, pero wala nang mas lalamig pa sa tubig-bahang abot sa dibdib.

Nabasag ang katahimikan ng iyak at kulitan ng mga bata sa tent.

Sa sobrang bilis ng pangyayari, mahirap i-process ang lahat. Pero surprisingly, humupa ang kaba at nangibabaw ang pagka-kalmado sa loob ko. Hindi ko alam kung bakit.

Alam ko naman ang gravity ng nangyaring ito sa amin. Sa isip ko, lahat ng gamit namin, wala na, sira na. Isa itong malaking reset. Back to zero. Go back to start.

Siguro kasi nagpapasalamat ako’t walang napahamak sa amin. Siguro kasi na-saturate na ako ng takot, nabuwiset na ang subconscious ko. Siguro kasi kapag nasa babang-baba ka na, wala ka nang ibang mapupuntahan kundi sa taas.

Putangina, muni-muni ko, ‘di ako titiklop ngayon.

Nandun pa rin ang uncertainty ng sitwasyon, pero nagsisimulang humina ang ulan. Good ‘yun.
Sinilip ko ang sign sa ibaba, nakasawsaw na sa tubig ang ilalim. Bad ‘yun.

Sinilip ko ulit ang bakuran namin, kung saan kami umakyat, at yuping bubong ng VW at bali-baling kahoy ng roofrack na lang ang nakita ko. Salamat, Kikai.


vi.

“Kuya, okay lang kayo?”

Napalingon ako bigla. Sa kabilang dulo ng bubong, nakatayo si Cid. ‘Yung kapitbahay namin nakatayo sa side nila.

“Okay lang kami, pero may mga bata kami rito e…”

Si Cid at si tatay na ang nakipag-usap. ‘Yung kapitbahay na katabi namin, isang babae, at dalawang lalaki, in-offer na dun muna kami sa kanila. Nasa bubong na rin ang kapitbahay namin sa likod, handa ring tumulong.

Pina-ayos ang gamit ng mga bata, naghanap ng paraan para makatawid. Ang problema kasi, mula sa bubong naming, walang paraan na makalipat sa kabila. Walang mahabang kahoy na puwedeng gawing tulay, walang taling puwede isabit. Ang daan lang, sa kapitbahay namin sa likod. Naglabas sila ng makapal na plywood na puwedeng gaimiting tulay. Pinatong ang isang dulo nito sa bubong namin, at ‘yung kabila, sa pader. Naka-ankla ang kabilang dulo sa puno nila.
Ang bad trip lang, sa bahaging ito ng bubong naming, bagong palit ang yero. ‘Yung lumang yero sa bubong, makunat at matigas. Itong bago, lamang lang yata ng konti sa kapal ng aluminum foil.

Si Cid at ang mga lalaki sa likod ang nag-ayos ng tabling gagamiting tulay. Inuna naming ilipat ang mga bag ng gamit ng mga bata. Sumunod si Ate Becca. Para hindi mahirap tumawid at para ‘di malula, napag-desisyunang mag-slide na lang sa table. Sa dulo namin, kami ni Cid ang aalalay sa mga tatawid, mga good Samaritan naman sa kabila. Pagtawid, may silong sa ilalim ng bubong ng second floor ng kabila. ‘Yung mga kapitbahay namin sa tabi, naglabas naman ng kawayang hagdan para makalipat sa kanila. Napapaligiran kasi ang bakuran nila ng mataas na bakal na grill na may mga talim sa dulo.

Pinilit kong libangin ang mga pamangkin ko nang isa-isa ko silang ihatid sa tawiran para ‘di sila matakot. Bawat tapak, umiingit-ingit ang yero ng bubong, lalo na sa parteng pinalitan ng manipis na bagong yero na para kang umaapak sa plastic cup. Nagsisimula na ring umambon ulit kaya madulas-dulas na ang bubong. Pa-slant pa man din ang pinagpapatungan ng tabla. Kapag sobrang likot, puwedeng dumulas ‘yung table, at dire-diretso kang mahuhulog sa baha sa ibaba. Oks lang sana kung tubig talaga ang babagsakan mo, kaso paano kung may mesa o kahoy o matigas na plastic sa ilalim ng tubig?

Mabuti na lang, maraming umaalalay. Naitawid naming nang maayos ‘yung mga bata, ang sister ko, si nanay, at si tatay.

Nagpaiwan na kami ni Cid sa bubong namin. Kailangan ng bantay sa bahay. Sa panahon ng trahedya, lumalabas din ang tunay na kulay ng tao. May mga mabubuting loob tulad ng mga kapitbahay namin. At may mga walanghiyang puwedeng magsamantala sa mga bahay na inevacuate-an ng mga naninirahan.

Dumidilim na nun. Hindi ko alam kung anong oras. Hindi ko alam kung may kinalaman ang bagyo sa pagdilim. Sumilip ulit ako sa ibaba, sa sign na nakadikit sa apartment sa tapat. 1/8 na ang nakalubog. Tumataas pa rin ang tubig.

Pumasok na kami ni Cid sa tent. Lumalakas ang hangin, bumabagsak ulit ang ulan. Nilagay namin ang mga inakyat na timba na may lamang damit, maliit na mesa, at mga supot ng supplies sa gilid ng tent para ipitin ang fabric. Tumutulo ang tubig sa car cover habang umaangat-baba ito sa bawat hampas ng hangin. Nakahiga kami sa magkabilang dulo ng tent, nakabalandra ang mga binti at braso sa fabric para hindi matangay ang car cover. Basang trapal ang namamagitan sa pagod naming likod at malamig na yero. Gumagapang na rin ang tubig ulan sa trapal.

“’Di tayo puwedeng ganito,” sabi ko. “Bukas lalagnatin tayo. Sumunod na tayo sa kabila.”
Lumabas kami ulit. Gabi na yata. O late ng hapon. Pumapatak ulit ang ulan, humahampas ang hangin. Dahan-dahan kaming naglakad ulit papunta sa harap ng bahay para silipin ang tubig. Ang sign na tinitingnan ko, kalahati na lang. Lampas-tao na ang tubig sa kalsada, at mas malakas na lalo ang agos. Ang weird na napansin ko, nakasindi lahat ng ilaw sa poste. At least ‘di ganun kadilim sa tapat ng bahay.

Nakabukas na ang isang gate namin, hinila siguro ng agos. Naka-lock pa man din ‘yun kanina. Nakabuka ito nang sobra pa sa angle na kaya ng bisagra. Ganun kalakas ang agos.
Buti na lang nandun pa rin ang tablang tulay. Ang problema, wala nang ibang taong aalalay. Naunang tumawid si Cid. Isa-isa kong kinuha ‘yung iba pang gamit naming na kayang dalhin – ilang mga cellphones, laptop naming ni tatay, mga extra cookies para sa mga bata. Inilabas ko ‘yung mesa sa loob ng tent at ipinatong ito sa ibabaw. Sana ‘wag tangayin ang car cover. Nang maiabot na kay Cid ang mga gamit, kailangan ko nang tumawid. Mahirap ito. Mas madulas na ngayon ang yero.

Naupo na ako sa tabla at nagpadausdos. Dumaan kami sa sanga ng puno papunta sa yero ng first floor ng kapitbahay sa likod. May isa pang problema. Nakuwento ko kanina ‘yung bakal na grill na may mga talim. Anti-akyat bahay. Kanina, nakadaan ‘yung mga kasama ko rito kasi naglagay ang kapitbahay namin ng kawayang hagdan. Ngayon, kaming dalawa na lang ni Cid. Mas madilim na ngayon at wala nang tao.

“Ganito,” sabi ko. “Kakapit ako sa bakal, ok? Tapos, umakyat ka sa braso ko, sa balikat ko.”

Medyo marupok ang yero ng kapitbahay. Naghanap ako ng stable na aapakan. Kumapit ako nang ubod ng higpit sa bakal na grill. Umakyat na si Cid. Natatakot nga ako nun, basa kami pareho ng ulan. Paano kung madulas siya? Problema pa kung ma-impale siya. Tumingkayad ako lalo habang binabalanse ang mga paa ko sa marupok na yero. Naka-akyat naman si Cid. Sumabit sa matatalim na bakal sa ibabaw ng grill ang shorts niya kaya napunit. Paglipat niya sa kabila, tsaka siya tumawag ng tao.

Habang naghihintay, tiningnan ko ang garahe namin. Nakabukas ang gate at nakalinyang lumulutang ang tatlong washing machine. ‘Wag sana.

Umakyat ‘yung dalawang lalaking kapitbahay naming, magkapatid. Dala nila ‘yung kawayang hagdan. Sinet-up naming nang maayos. Naghanap ako ng stable na bahagi ng yero tsaka ako umakyat.

Dala-dala ang mga gamit naming, bumaba kami ulit ng bubong at lumusong sa baha. Abot bewang ang tubig sa kapitbahay. Pumasok kami sa bahay nila, may paalala raw na mag-ingat sa paglakad. Nabasag daw kasi ‘yung salamin ng dining table nila nang biglang lumutang dahil sa tubig. Ang bad trip dito, wala na kaming tsinelas. Bukod sa nawala na’t inanod ng tubig ang tsinelas ko pagbukas ko ng pinto kanina nung nagkakagulo kami sa bahay, mas naging komportable sa akin ang mag-paa. Mas nakakabuwelo sa madulas na sahig kasi. Ang risk nga lang, sa madilim na tubig, para kang naglalaro ng minesweeper.

Umakyat kami sa hagdan at nakarating sa second floor. Bawat apak namin, may kasamang pasasalamat. Patay ang kuryente kaya nakasindi ang mga kandila. Nasa isang kuwarto ang pamilya namin. Nakahinga na ako nang maluwag. Safe na kami.


vii.

Siguro, mga 5-6 years na kaming nakatira sa Marikina. Sa mga taong ‘yun, ‘di kami binaha. ‘Di rin kami masyadong nakikihalubilo sa mga kapitbahay. Hindi dahil sa snobbishness kundi dahil wala lang opportunity. Kung kabataan ko pa siguro, makikipaghabulan din ako sa kalye tulad ng dati.

Tapos ngayon, itong mga kapitbahay naming ‘di pa naming kilala ang pangalan, sila pa ang nagligtas sa amin sa bubong. “’Di mapapantayan ng pera itong ginawa nila,” sabi ni tatay, kinabukasan nang makabalik na kami sa bahay naming. “’Di nila tayo kilala, kung tutuusin, wala silang pakialam sa atin, pero sila pa lumapit sa atin para iligtas tayo.”

Sa ngayon, pag-akyat namin sa hagdan, tuloy-tuloy pa rin ang pasasalamat namin sa nagligtas sa amin. Inabutan ako ng shorts at t-shirt, itinuro sa akin ang daan papunta sa banyo para makapag-ayos at bihis.

Nang ok na kami ni Cid, nandun ulit kami sa kuwarto. Tatlong pamilya ang nakatira sa bahay na’to. May matandang mag-asawa, dalawang anak na lalaki, mga misis ng anak, at ‘yung mga apo nila, anim na batang babae. Nandito kami sa kuwarto ng mga batang babae. Nakaupo kami sa sahig at nagpapahinga. Maingay na naglalaro ang mga bata. Sumisilip kami sa bintana para silipin ang tubig. Tumigil na sa pagtaas, pero hindi pa rin humuhupa.

“Narinig naming umiiyak ‘yung mga bata.” Sabi ng isang misis. Natakot sila kaya umakyat sila para i-check kung ano meron, at nakita nga kami.
“Binuksan daw ang dam” sabi ng isa.

Tsaka kinuwento ni tatay kung gaano kabilis umakyat ang tubig. Nagulat din daw ang kapitbahay naming kasi sa loob ng higit na 30 taon na nakatira sa lugar na’to, hindi nangyaring pumasok ang tubig baha sa bahay nila kahit kailan.

Nung sinilip ko ‘yung plastic na pinaglagyan ng laptop naming ni tatay, nagulat ako kasi pinasok pa rin ito ng tubig. Basa pareho pero wala akong basahang tuyong puwedeng ipamunas. Inilabas ko muna, pinatulo ang tubig, binaligtad, tsaka ko pinasok ulit. Kinuha ko ang cellphone ko at napansing mababa na sobra ang battery. Hiniram ko ang cellphone ni Cid at nagpalit kami ng SIM. Tsaka pumasok ang text messages sa telepono ko.

Ang problema, naka-save sa cellphone ko ang phonebook, hindi sa SIM. Numero lang ang nakalistang nagpapadala ng messages. May ilang nakilala ko rin, pero madalas reply lang ako nang reply. ‘Di ko lang din alam kung natatanggap nila ang messages ko. Bagsak daw kasi ang signal ng Globe.

Pilit kong tinatawagan si Cci. Nalaman ko kaninang nasa 2nd floor na siya ng bahay, at least safe siya. Pero ano kalagayan niya ngayon? Can not be reached. Can not be reached. Not accessible at the moment. Emergency calls only. Hindi ako mapakali sa kaka-isip.
Medyo nanlalata na rin ako, nanlalambot sa pagod. Naririnig sa labas ang ugong ng ulan at napapapikit na lang ako at nagdadasal. Pilit ding nakikipag-text si nanay sa mga kamag-anak namin. Tahimik na nagpapahinga si Cid sa isang tabi. Hinahabol ni Ate Becca at ni Vane ang mga pamangkin kong nakikipagkulitan. Nakaupo si tatay at nag-aalala sa pusa namin.

Gusto kong matulog tapos paggising bangungot lang pala ang lahat.

Minsan puwede ka palang bangungutin kahit gising ka.

Umuulan ulit sa labas.


viii.

Pumasok sa kuwarto ang kapitbahay naming lalaki at inabutan kami ng maiinit na tsokolate. Inanyayahan din kaming mag-hapunan pero nahihiya na kami talaga. Naiwan na kami ni tatay sa kuwarto. Mas importanteng makakain ang mga bata. Inabot ko ang isang plastic ng biscuit na binigay rin sa amin. Medyo kumakalam ang sikmura ko, pero wala akong ganang kumain. Solb na ako sa isang pack.

Nang makabalik na sila pagkatapos ng hapunan, sinabihan kami ng isang kapitbahay naming nakabukas daw pala ‘yung gate namin. Sabi ni tatay, malamang daw, natulak o nahila ng malakas na agos. Sabi naman ng kapitbahay, bumaba raw sila kanina para subukang isara, pero mukhang na-stuck yata at ayaw gumalaw. Ang consensus, baka puwersa ng agos kaya ‘di magalaw.

Sumisilip-silip ako sa bintana para i-monitor ang tubig. Unti-unti na’tong bumababa. Buo na ulit ‘yung sign sa labas. Kita na ulit ‘yung tuktok ng “rollers.” May mga taong naglalakad-lakad na sa labas at naghahakot ng mga bagay na inanod. Sabi ng kapitbahay may mga lalaking dumaan daw na sumisilip-silip, at lumalapit-lapit sa nakabukas na gate namin. Buti raw at lumayo nang baswitan nila.

Pumasok ang misis na tumawag sa amin kanina sa bubong. Papalitan niya ang bedsheet at pillowcase ng unan. Tumanggi na si tatay, nakakahiya na raw talaga, ‘di bale na. Tama nang naabala namin sila. Pero okay lang daw. Tumulong si Ate Becca at si Vane sa pag-aayos ng bedsheet. Matutulog na ang mga bata.

Nakasilip na ako sa bintana hindi para bantayan ang baha, kundi para bantayan ang gate namin. Konti lang ang nakikita ko, gilid lang ng gate, pero kitang-kita kung may siraulong lumalapit. Hanggang bewang na ang tubig sa kalsada.

Maya-maya, may inanod mula sa loob ng garahe namin. Isang case ng bote ng beer na walang laman. Mabilis itong tinulak ng tubig papunta sa gitna ng kalsada kung saan may mokong na bukas ang mga kamay na naghihintay.

“Case ng beer!” masayang sigaw nito. Palakpakan ang mga miron.

Bumaba na si tatay at si Cid. Sumunod din ako. Hinubad ko ang t-shirt na pinahiram sa akin, at sinuot ko ulit ang basa kong pantalon. Kung umulan ulit, ayokong nakasuot ng basang t-shirt. Lumusong ulit ako sa tubig. Para akong nasa miserableng swimming pool.
Humabol ako sa labas. Nandun na sina tatay sa gate namin. Tumulong akong magtulak, pero ayaw gumalaw ng nakabukas na gate. Naka-ipit sa ilalim, may pumipigil. Sa loob ng garahe, nandun pa rin ang mga washing machine.

Sa labas, maraming taong may mga bitbit na inanod na kung ano-ano. Madalas, mga bagong gulong galing sa tire shop sa kanto.

“Kamusta kaya ‘yung Chevy?” naisip ni tatay.

“Sana hindi inabot. Mataas naman dun sa supermarket.” Sagot ko.

Nakatayo kami sa harap ng nakabukas na gate, hinaharangan ang mga nagsisilutangang Kurecolor na pens ni tatay na gusting makisama sa agos. Medyo mabilis nang humuhupa ang baha.
Sumunod sa amin ang isa sa mga taga-pagligtas namin. Taos-pusong pasasalamat ang salubong ni tatay. Sa pakikipag-kuwentuhan, nalaman naming nanggaling din pala siya sa Dubai, nakatira malapit sa tinitirhan ni tatay dun.

Nalaman din naming may pulang kotseng inanod din kanina at bumangga sa gate nila. Malakas ang agos ng tubig nun, at natulak ulit ang kotse papunta sa dulo.
“Naku, sana hindi inanod ‘yung Chevy…” kabado si tatay.

Biglang may matandang babaeng nagtanong sa amin kung may nakita kaming kotseng inanod. Tinuro naming kung saang direksyon pumunta. May kasama ang mga babaeng nagmamagandang-loob at tumutulong sa paghahanap. Nasagap namin sa kuwento nilang marami pang mga kotse ang inanod at nakabalandra ngayon sa tabi-tabi. May pulang Honda raw na naka-tagilid sa kabila.
Bumaba ang tubig hanggang tuhod. Ayaw pa ring gumalaw ng gate. Kinapa namin sa ilalim ng tubig kung ano ‘yung humaharang. Naka-stuck pala ang gate sa gutter ng canal. Kailangang pukpukin ang semento para makawala.

Nagpaalam na ang kapitbahay namin, tinanong kung dun kami matutulog sa kanila para iwan niyang nakabukas ang gate nila. Hindi na muna, sabi ni tatay. Kailangan naming bantayan ang garahe.

Hinatid siya ng aming pasasalamat.

Hindi mapapantayan ng pera ang kabutihang ipinakita ng pamilya nila sa oras ng pangangailangan namin sabi ni tatay.

“Pay it forward.” Sabi ko.


ix.

Ang problema sa baha, kapag humuhupa, o siguro sa bahang ito kasi maraming kotseng inanod at nalubog, ay langis.

Hanggang tuhod na lang ang tubig, at sa medyo mabagal nang agos ng baha, may mga itim na streaks na lumulutang-lutang. Sa ilalim ng ilaw ng poste, nagkakaroon ng bilog-bilog na rainbow sa tubig.

Nanlilimahid ako ngayon, nanlalagkit sa maputik at magrasang tubig baha. Kumikirot ulit sa ilalim ng maong ang sugat ko sa tuhod. Nang tuluyan nang humupa ang tubig, naiwan ang madulas at magrasang putik. Wala kaming tsinelas.

Pinagpapalo ko ng pala ang gilid ng estero kung saan naka-stuck ang gatenamin. Ang na-achieve ko lang ay mag-ingay.

Sinindi ni Cid ang flashlight para tingnan ang damage sa garahe habang tinayo ko ang bumaligtad naming mesang plastic para pagpatungan ng mga kalat sa sahig. Nawawala ang iba naming plastic na upuan. Tinapat ni Cid ang flashlight sa VW. Mukha itong bagong hukay na fossil ng isang bilugang dinosaur.

Inilapit naming ang ilaw sa bintana para silipin ang loob ng bahay. Tinawag ni Cid si Spree, ang nawawalang pusa, pero malaking daga ang nagparamdam mula sa loob.

Nagkalat sa paligid ang lata-lata ng pintura ni tatay mula sa shelf niyang nakahiga sa putikan. Kumalat ang turpentine at thinner, humalo sa putik, at amoy gaas ang buong garahe.
Gusto kong maghugas ng kamay. Gusto kong magbanlaw ng paa. Gusto kong maglinis ng sugat. Pero ang daan papunta sa gripo, sabog-sabog ang kalat. Mahirap nang matibo. Mahirap nang madulas at matibo.

Humahabol na ang pagod at antok. Itinayo namin ang isang bakal na mesang matagal nang wala ang glass top. Pinalibot namin ang nakuha naming mga plastic na upuan at pinilit naming matulog nang nakaupo’t nakayuko sa gilid nito. Mahirap.

Malalim na ang gabi, wala nang ulan, wala nang ambon. Ang meron lang, lamig. Nagsimula na akong manginig. Naawa si tatay, hinubad niya ang t-shirt niya at pinasuot sa akin.
Kinuha namin sa putikang sahig ang plywood na pinangharang namin kanina sa entrance ng sala. Inilapag ito sa garahe, at salit-salit kaming humiga rito.

Nanginginig akong humiga. Humihinga ako sa loob ng t-shirt para lang mainitan nang konti at ‘di maamoy ang sahig na kasingbango ng gaas. Miserable ako sa pantalon kong basa sa baha. Maruming plywood lang ang pagitan ng bugbog kong likod at ng malamig at madikit na burak. Wala nang lakas sa mga binti ko’t brasong nakasalampak.

Sa labas ng garahe, sa may gate, mapayapang sumisilip ang mga bituin sa likod ng mga ulap. Parang walang nangyari. Gusto kong matawa pero ‘di malabanan ang agos ng antok.

Pumikit na ako at nagpa-anod.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home